HINDI sa lahat ng pagkakataon ay astig ako o maangas at kinakailangan ng pambabraso. Ganito lamang ang asal ko sa mga tuso’t mapanlinlang, baluktot na ang katwiran ay ipinipilit pa ring itama. Ang usapang pakiusapan at diplomasya ay madaling maintindihan ng tunay na makatao at edukado.
Hindi rin naman kasi ako si Ironman na malimit sabihing kamukha ko, na kayang solusyunan ang mga reklamong ilalapit sa aming tanggapan. Katuwang namin ang bawat sangay ng gobyerno sa bawat solusyon. Eto ang saysay ng BITAG-KILOS PRONTO, maiparating sa kinauukulan, manggising, magbigay-linaw sa mga problemang kailangan ng agarang aksiyon.
Halimbawa ng sinasabi kong ito ay isang sumbong na inilapit sa aming action center noong nakaraang Huwebes. Bangkay sa Philippine Heart Center (PHC), hindi mailabas dahil walang pambayad ang kamag-anak. Ang anak na nakipag-usap sa akin, litung-lito, umiiyak dahil ang bangkay ng kanyang ina, tatlong araw na sa morgue ng PHC. Mailalabas niya lamang daw ito kapag nabayaran niya ang ¼ ng halos isang P1 milyong bill sa ospital. Para sa iba, ipaggigiitan ang batas na “bawal ang di-magpalabas ng mga pasyenteng buhay o namatay sa ospital” dahil di-makapagbayad.
Pero teka muna, gaano mo man kanipis hiwain ang isang keso, laging may dalawang banda ‘yan. Malapit na katuwang ng BITAG si Sec. Francis Duque ng Department of Health. Agad siyang tumawag sa akin matapos matanggap ang isang text message na ipinadala namin. Mabilis niyang inatasan ang Exec. Director ng PHC na si Dr. Joel Abanilla para maayos ang problema ng nagrereklamo.
Sa ere, nilinaw ni Dr. Abanilla na kailangan lamang kumpletuhin ng anak ang mga dokumento na hinihingi ng PHC. Naiintindihan ng PHC na sa panahong ito ay walang kakayanan magbayad partially ang anak, isang promissory note ang kailangan niyang pirmahan. Sinang-ayunan ko ito at ipinaliwanag sa anak na nagserbisyo rin ang ospital at medical staffs nito sa kanyang ina na sa di kagustuhan ninuman ay namayapa rin.
Nalinawan naman ang anak na nasa aming studio at maayos silang nakapagkasundo ni Dr. Abanilla. Sa ganitong pagkakataon, pormal na namin ipinasa sa PHC ang kasong ito.
Salamat sa mga institusyong ang puso ay tunay na makatulong sa publiko. Wala nang pahirapan, wala nang maaanghang na sagutan, wala nang angalan, aksiyon agad. Ang mga tanggapang ito ang kasangga ng BITAG-Kilos Pronto na sa serbisyo publikong adbokasiya ng aming grupo simula pa 2002.