HINDI ko mapigilang mapaluha nang sa unang pagkakataon ay aking narinig ang kalembang ng kampana ng Balangiga nang ito ay pinatunog ni Pres. Rodrigo Duterte sa turnover rites sa nasabing bayan ng Samar kahapon ng hapon.
Ang sarap pakinggan ang unang mga kalembang ng kampanang naibalik na rin sa Pilipinas pagkatapos ng 117 taon.
Nakaka-proud maging Pilipino at pinanindigan nating maibalik ang simbolo ng kabayanihan ng ating mga ninuno, ang mga taga-Balangiga, Samar.
Ayon nga kay President Duterte walang sinumang nararapat na bigyan ng credit sa pagbabalik ng tatlong kampana ng Balangiga sa bansa.
Sinabi nga ng Presidente, “Salamat America, salamat mga Pilipino at naibalik na ang mga makasaysayang kampana.”
At sa unang araw ng Simbang Gabi ngayon, ang maririnig sa bayan ng Balangiga ay ang kalembang ng tatlong kampanang umuwi sa pinanggagalingan nito pagkaraan ng 117 taon itong nasa kamay ng mga Kano.