MARAMING kabataan sa ngayon, kasama na ang mga millennial na kapag nakahawak ng milyong piso akala ay malaki na.
Kaya nga nauso sa Pinas ang mga financial literacy programs, financial advisors’ o coaches at kung anu-ano pang programa na may kinalaman sa tamang paghawak sa pera.
Layunin kasi ng mga institusyong ito na maging edukado si Juan Dela Cruz sa tamang paggasta ng pera.
Ako ay hindi isang financial expert, pero nang lumapit sa akin ang isang 21-anyos na binata, ibinahagi ko ang aking kaalaman sa tamang paggasta ng pera.
Inirereklamo kasi ng binata ang kanyang uncle na umano’y niloko siya at kinuha raw ang kanyang P2.5 million. Dito raw nasira ang relasyon nilang magtiyo at maging ng kapatid niyang panganay.
Ang pera ay nakuha niya mula sa insurance ng amang namatay dahil sa heatstroke habang nagtatrabaho sa abroad.
Galit din daw ang kanyang tiyo dahil nagastos niya ang pang-tuition at nakabuntis siya habang nasa kolehiyo. Ang kanyang ina, nasa probinsiya at namumuhay na mag-isa.
Hindi siya nakatapos ng kolehiyo dahil nahilig siya sa mga party at sosyalan. Dahil sa nangyari, nagtrabaho muna siya pansamantala sa SM para mabuhay ang sarili.
Ngayon daw ay naisip niyang bumalik sa pag-aaral kaya gusto na niyang kunin ang P2.5 million na nasa pangangalaga ng kanyang tiyo.
Gusto niya itong sampahan ng kaso dahil pinaniwala siyang ita-time deposit muna sa bangko subalit ngayon ay ayaw nang ibigay ang kanyang pera.
Sa kanyang lifestyle, sa klase ng pagdedesisyon sa buhay at pag-iisip sa mga bagay na gusto niyang gawin, sigurado akong agad maglalaho ang P2.5 milyon.
Ayon sa financial coaches na aming nakapanayam, agresibo pa sa paggasta ang mga nasa millennial stage. Maaaring ang nasa isip nito ay magbalik sa pag-aaral, subalit kasabay nito ay pagbili ng sasakyan, pag-upa ng condominium at pagbili ng kung anu-anong gadgets.
Kapag hindi pinag-aralan at pag-iisipang maigi ang paggasta, ang kanyang P2.5 million, mauubos sa loob lang ng dalawang taon. Ang masaklap, maaari siyang mabaon sa utang para masustena ang kanyang lifestyle.
Ayon naman sa isang psychologist, iba ang takbo ng isip ng mga kabataan ngayon kapag nakahawak nang malaking pera, mabilis na magplano kung paano niya gagastusin. Lalo kung ang pera ay bigay lang, nagkakaroon ng automatic judgement to spend it, dahil hindi niya ito pinagpaguran.
Simple lang ang payo ko, may punto ang kanyang tiyuhin kung bakit ayaw ibigay ang kanyang pera. Hindi pa niya kaya ang magdesisyon, kakailanganin niya ng gabay ng magulang o guardian kaya pinababalik ko siya sa kanyang ina at mamuhay na kasama ito.
Mahalaga ang gabay ng mga magulang at nakakatanda. Pinagkalooban sila ng maykapal ng karunungan na makakatulong sa pagdedesisyon ng kabataan lalo sa pera.
Mapapanood ang kabuuan ng segment na ito sa aming YouTube online TV channel–Bitag Official na may title na “Hijo, sundin mo payo ko!” (the prodigal son).