NARARAPAT lang na hindi manatili sa Philippine National Police Academy (PNPA) ang tatlong kadete na puwersahang pinag-oral sex sa harapan nila ang dalawang baguhang kadete (plebe) na nakagawa ng kasalanan. Hindi nararapat sa akademya ang tatlong kadeteng malalaswa ang nasa utak. Nararapat pa nga na hindi lang sila dapat patalsikin kundi kasuhan ng mga plebong inabuso nila. Sana rin, inihayag ang mga pangalan ng tatlong malalaswang kadete para amanos na.
Nangyari ang pagpapa-oral sex sa dalawang plebo nong Oktubre. Nakagawa umano ng kasalanan ang dalawa at ang parusa ay ang pagpapa-oral sex. Dahil sa takot, hindi na nakapiyok ang dalawang plebo na hindi na binanggit kung mga lalaki o babae.
Nang malaman ni PNP chief Director General Oscar Albayalde ang nakakahiyang ginawa ng tatlong kadete agad niyang pinag-utos ang imbestigasyon. Sabi ni Albayalde, sisiguruhin niyang mapapatalsik ang tatlo. Wala raw puwang sa akademya ang mga kadeteng gumagawa ng di-kanais-nais.
Hanggang lumabas ang hatol noong Lunes na guilty ang tatlo at ang kaparusahan ay ang pagpapatalsik sa mga ito. Ganunman, binigyan sila ng 48 oras para magsumite ng motion for reconsideration.
Noong nakaraang Marso ng kasalukuyang taon, anim na bagong graduates ng PNPA ang binugbog ng mga junior cadets. Naganap ang pambubugbog makaraan ang seremonya ng graduation at kaaalis lamang ni President Duterte na panauhing pandangal.
Mabuti naman at mabilis ang paghatol sa mga kadeteng malalaswa. Sana maging aral ang pangyayaring ito sa iba pang kadete at huwag gayahin ang ginawa ng tatlong tila manyakis na sa ginawang pagpapa-oral sex.
Ano ang nangyayari sa ilang kadete ngayon at pati pagpapa-oral sex ay ipinagagawa. Gawain lamang ito ng mga hindi normal ang pag-iisip. Maaaring sabihin na gawain ng mga naka-shabu. Salamat at napatalsik ang tatlong kadete at hindi na magiging pulis. Nakakatakot sila kung magiging pulis at baka ang maaaresto nilang babae ay utusan nilang i-oral sex sila.