AYON sa pinakabagong survey ng SWS, tumaas ang bilang ng mga naging biktima ng mga karaniwang krimen. Ito sa kabila ng pangunahing prayoridad ng administrasyong Duterte na sugpuin ang krimen, sa kahit anong pamamaraan. Nakita na natin ang madugong kampanya niya laban sa iligal na droga, pero makalipas ang higit dalawang taon ay problema pa rin ang droga. Naging target ang mga maliliit na pusher, pero hindi mahuli ang mga nagpapasok ng bilyon-bilyong halaga ng shabu, karamihan mula China, ang bagong kaibigan ni Duterte.
Ayon sa pagsusuri, may mga pamilya na nangangamba sa kanilang seguridad mula sa krimen tulad ng mga magnanakaw, habang may mga pamilya na naniniwalang laganap pa rin ang droga sa kanilang lugar. Hindi ba ito patunay na hindi epektibo o matagumpay ang kampanya ni Duterte? Hindi ba ito kontra sa pahayag ni dating DFA Sec. Alan Cayetano na parang Singapore na ang Pilipinas? Gaano katagal kaya ang kakailanganin para tuluyang masugpo ang iligal na droga? Paano naman kaya magiging matagumpay kung bilyong-bilyon nga ang nakakapasok pa sa bansa?
Mukhang ang kampanya ng PNP na hulihin nang mga istambay ay walang epekto sa mga may masasamang intensyon. Nahuhuli lang ang mga nais magpalipas ng oras sa labas ng kanilang tahanan. Ang tumataas din ay ang mga krimen ng pagpatay ng tao. Kailan lang, isang negosyante ang pinatay sa Subic. Walang magawa ang PNP sa mga ganyang krimen. At natawa na lang ako sa inilabas na “sketch” ng suspek. Halos nakatakip ng panyo ang mukha, mga mata lang ang hindi natakpan. Kaya pala ang gagawin ay tingnan lang ang mga mata ng tao, at ihambing sa sketch?
Mahirap lubusang sugpuin ang krimen. Lumipas na ang anim na buwang pangako noong pangangmpanya. Ang sabi ngayon ay baka hindi rin masugpo, kahit sa katapusan ng kanyang termino. Kahit ilan pa ang mapatay sa kampanya.