EDITORYAL - Kampanya sa droga, wala pa ring epekto
TATLONG taon na ang kampanya sa illegal na droga ng Duterte administration. Pagkaupo niya noong Hunyo 2016, bumirada agad ang Philippine National Police (PNP) sa pag-tokhang sa mga suspected drug pushers pati na ang mga addict. Umabot na sa 1.3 milyon na “tulak” at addict ang sumurender. Umaabot naman sa 5,000 ang napatay na drug suspect na ayon sa PNP ay legitimate operations. Kabilang sa mga napatay ay ang 17-anyos na si Kian delos Santos na isinagawa ng tatlong pulis-Caloocan. Hinatulan noong nakaraang linggo ng habambuhay na pagkabilanggo ang tatlong killer na pulis.
Pero ang nakapagtataka, sa kabila nang ma-tinding kampanya ng pamahalaan sa bawal na droga, hindi pa rin matapus-tapos ang problema at patuloy pang namamayagpag ang drug traffi-ckers. Hindi pa rin malipol ang drug traffickers na sa aming tingin ay lalo pang bumabangis at tuma-tapang. Wala nang kinatatakutan ang mga salot na drug syndicate na patuloy na nagpapasok ng shabu sa bansa na idinadaan pa sa Manila port.
Ang kawalan ng epekto ng kampanya sa droga ay kinumpirma ng chairman ng Dangerous Drugs Board na si Catalino Cuy. Sabi niya, ang all out war ni President Duterte sa illegal drugs ay hindi nararamdaman sa kabila na araw-araw ay may operasyon ang PNP. Maraming nahuhuling pusher at addict particular sa Metro Manila pero walang nakikitang pagbabago.
Sa pagtaya ni Cuy, nasa limang milyong Pinoy ang nananatiling sangkot sa illegal drugs sa kasalukuyan. Dahil sa malaking bilang na ito, magpapatuloy ang pamahalaan sa matinding drug campaign sa susunod na taon. “The war against illegal drugs continues. We have success and lapses. It is a long and challenging fight,” sabi ni Cuy.
Wala pa ring epekto ang kampanya sa illegal na droga sa kabila na marami nang nadakip, sumurender at napatay. Tatlong taon na ang pakikipaggiyera pero wala pang magandang nakikita. Mas mainam kung magpopokus ang pamahalaan sa pagsabat at paghanap sa pinanggagalingan ng droga. Kung hindi makikita ang source ng shabu, walang mararating ang kampanya ng pamahalaan. Sayang ang pagsisikap.
- Latest