NAKADIDISMAYA na ang nangyayari ngayon na sunud-sunod na pagkakasangkot ng mga pulis sa masamang gawain. May mga pulis na sangkot sa panggagahasa sa mga babaing nahuhuli nila. Mayroong sangkot sa extortion at kidnapping. May sangkot sa pagbebenta ng shabu. Maraming pulis ang drug addict. May “hulidaper” at nangongotong. May mga protector ng drug syndicate at iba pang masamang gawain.
Saan pa magtutungo ang taumbayan para humingi ng tulong? Hindi sila ligtas kapag sa mga nakauniporme lalapit. Delikado silang mapahamak sa kamay ng mga parak. Kawawa ang mamamayan na sa halip matulungan ng mga pulis ay ang mga ito pa ang nagpapahamak sa kanila.
Tila wala nang nakikitang pagbabago sa mga pulis. Sa kabila ng mga pagbabanta ni PNP chief Director General Oscar Albayalde na masisibak sa puwesto ang mga gagawa nang masama, walang natatakot at lalo pang tumapang sa paglabag sa batas. Maski anong gawin ni NCRPO chief Director Guillermo Eleazar para mapatino ang mga pulis sa Metro Manila, balewala ang kanyang pagsisikap sapagkat lalo pang dumami ang mga corrupt at scalawags.
Kamakalawa, pitong pulis mula sa Las Piñas ang sinibak sa puwesto dahil sa extortion at kidnapping. Nireklamo ang mga pulis ng isang drug suspect na hinihingian umano ng P200,000 para makalaya. Ayon sa drug suspect, kinidnap muna siya ng mga pulis at saka hiningian ng pera.
Ang mga pulis ay nakilalang sina PO3 Joel Lupig, PO2 Vener Guanlao, PO1 Mark Jefferson Fulgencio, PO1 Jeffrey de Leon, PO1 Raymart Gomez, PO1 Jason Arellano at PO1 Erickson Rivera. Sinibak din ang hepe ng Las Piñas City Police Station na si Supt. Marion Balonglong. Ganunman, hindi pa nahuhuli ang pitong pulis at hinihinalang nagtatago na ang mga ito. Mapait ang tinig ni Eleazar makaraang ipag-utos ang pagsibak sa mga pulis at hepe. “I don’t want them to stay a minute longer in the police force. They should be dismissed immediately,” sabi ng NCRPO chief.
Mabigat ang problema nina Albayalde at Eleazar sa mga scalawag na pulis. Malaking hamon sa dalawa ang pagsupil sa mga pulis na dumudungis sa PNP. Gawin ang lahat nang paraan para maging malinis ang organisasyon.