EDITORYAL - Ibaba ang bilihin

SUNUD-SUNOD ang rollback ng petroleum pro­ducts. Pitong beses nang nagro-rollback ang presyo ng gasolina, diesel at kerosene. Noong Sabado, nag-rollback uli at pumalo na sa P48.00 ang bawat litro ng gasolina habang P38 sa diesel. Mayroon pa umanong nakaambang rollback sa susunod na linggo. Ayon sa report, magpapatuloy pa ang pagbaba ng presyo ng langis sa pandaigdigang pamilihan sapagkat sumobra ang supply.

Noong Setyembre, umabot sa P58.00 ang bawat litro ng gasolina na naging dahilan para tumaas ang presyo ng mga pangunahing bilihin gaya ng bigas, sardinas, mantika, asukal, kape, gatas at iba pa. Ang pagmamahal din ng petroleum products ang ugat sa pagtaas ng inflation na umabot sa 6.4 percent noong Agosto.

Dahil sa pagmahal ng bigas, na umabot sa P60.00 bawat kilo, marami ang umangal partikular na ang mga kakarampot ang suweldo. Ang ma­tindi, mahal na nga ang bigas ay nagkulang pa ang supply­ sa buong bansa. Naubos din ang stock na bigas ng National Food Authority (NFA). Mahaba ang pila sa mga tindahan para makabili ng NFA rice pero wala namang mabili. Noong nakaraang buwan, pinag-utos ni President Duterte na “free-for all” na ang pag-import ng bigas. Maaari nang umangkat ang kahit sino ng bigas.

Noong nakaraang buwan din, sinabi ng Presi­dente na sususpendihin na ang excise tax ng pe­t­roleum products sa Enero 1, 2019. Ito ay kasunod nang pagtaas ng presyo ng langis na umabot na sa $80 per barrel. Sa ilalim ng TRAIN Law, kapag nag-$80 per barrel ang langis sa world market, awtomatikong suspendido ang excise tax sa petroleum products.

Sunud-sunod ang rollback ng gasolina at diesel pero nakapagtatakang wala pang pagbaba sa mga presyo ng bilihin. Ang presyo ng bigas ay mataas pa rin ganundin ang pang-ulam na sardinas. Mahal pa rin ang mantika at isda. Mahal pa rin ang pamasahe at iba pang pangangailangan. Balewala ang rollback ng petroleum products kung hindi ibababa ang presyo ng mga bilihin. Kumilos naman sana ang Department of Trade Industry (DTI) sa nangyayaring ito. Ibaba na ang mga bilihin para maramdaman ang pagbaba ng gas.

Show comments