Sinabotahe raw Shawarma Shack nila!

SABADO ng tanghali, kasama ang aking mga millennial Digital Team sa BITAG corporate office sa Timog, Quezon City, isang di inaasahang bisita ang dumating sa aming tanggapan.

Nagpakilala silang may-ari ng Shawarma Shack. Hini­­hiling ng mag-amang may-ari na marinig ang kanilang panig sa ere.

Matatandaan,  inere namin sa BITAG-Kilos Pronto nitong nakaraang Huwebes ang sumbong ng kanilang mga dating empleyado.

Bastos at palamura raw ang kanilang amo, hindi maganda ang trato sa kanilang mga trabahador. Wala rin daw anumang benepisyo o government mandatories silang mga empleyado.

Bukod dito, ipinakita nila sa amin ang dala nilang vi­deos kung gaano kadugyot ang kanilang tindahan. Inere namin ang kanilang sumbong, hiniling nilang ‘wag ipakita ang kanilang mukha para raw sa kanilang kaligtasan.

Sa nakitang videos, kadiri ang mga naging eksena. Makabaligtad sikmura dahil sa kadugyutan ng pagawaan ng pagkain.

Sa BITAG-Kilos Pronto, layunin ng BITAG na magbigay babala sa publiko sa mga pagkaing binibili sa mall man o lansangan.

Mensahe ko rin sa mga nagrereklamo, siguraduhing totoo ang kanilang sumbong kasama ang videong ipinakita sa amin. Sila ang mananagot sa hukuman oras na mapatunayang kasinungalingan ang kanilang pinagsasabi.

Marami ang nandiri, marami ang nagulat. Naka-post ang buong segment ng istorya sa aming YouTube Channel.

Kaya hindi na ako nagtaka nang dumating sa aking tanggapan ang may-ari ng Shawarma Shack. Sabotahe raw ang ginawa ng mga nagrereklamong tinanggal nila sa kumpanya.

Marami silang ipinaliwanag sa akin, kaharap ang aking mga millennial investigators sa kasong ito. Hindi naman anti-business ang BITAG at para sa patas na pamamahayag, pinagbigyan ko ang kanilang hiling.

Abangan ngayong araw, Lunes sa BITAG Live sa PTV4. Simultaneous sa BITAG YouTube TV, BITAG New Media (www.bitagmedia.com) at sa aming online TV - BITAG Live Facebook Page. Alas 8 hanggang alas 9 ng umaga, Manila Time.

Uupo ang mag-amang may-ari ng Shawarma Shack para magbigay ng kanilang panig ukol sa reklamo. Susundan ito sa hapon sa BITAG-Kilos Pronto na mapapanood sa YouTube at sa aming Facebook pages.

Show comments