NU’NG unang panahon kulay puti ang carrots. Tinatanim sila para sa malasang dahon, tulad ng mga kalahing gulay na wansoy at kinchay. Chemicals na carrotenoids ang nagpapatingkad ng kulay ng carrots. Ito rin ang nagpapabilis sa photosynthesis -- pagbunga -- sa mga halaman na tumutubo sa itaas ng lupa. Pero sa ilalim ng lupa namumunga ang carrots, tulad ng mga kalahing puti nitong singkamas at labanos. Kaya bakit naging orange ang kulay ng modernong carrots?
Unang umusbong ang carrots sa ngayo’y Iran at Afghanistan. Meron silang 32,000 genes (mas marami kaysa tao), at dalawa rito ang nagpaparami ng carotenoids, tulad ng alpha- at beta-carotene. Sari-saring kulay ang carrots na pinalalaki ng mga sinaunang magsasaka. Isang libong taon noon, pinili nilang magtanim ng makukulay na uri na purple at dilaw. Makalipas ang 600 pang taon, natangi nga ang modernong carrot na kulay orange, na sagana sa beta-carotene.
May kuwento na pinalahi at pinasikat ang orange carrot ng mga Dutch. Bilang pagpugay umano ito kay William of Orange, ang bayani na namuno nu’ng siglo-1500 sa pagpapalaya sa kanila laban sa haring Kastila. Orange carrots ang simbulo ng House of Orange. At makalipas ang dalawang daan pang taon, nung siglo 1700s, naging pangahas na simbulo ang orange carrots bilang suporta sa apo sa tuhod ni William, isang hari na pinabagsak at pinalayas sa bansa. Sentro noon ang bayan ng Hoorn, Holland, sa kalakal ng carrots. (Source: The Economist)
Ngayon hindi lang Europe kundi sa buong mundo pinalalago ang orange carrots. Sa China, dahil sa genetically modified organisms (GMO), pare-pareho ang laki, hugis at tingkad ng orange carrots. Sa Pilipinas, paborito ang orange carrots mula sa La Trinidad, Benguet at Bukidnon.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).