NAMOMROBLEMA ang may 3.5 magsasaka ng niyog. Nagkabaun-baon na sila sa utang dahil sa patuloy na pagbagsak ng presyo ng copra. Yung iba, tinatamad nang mag-ani. Bakit ka nga naman magpapakapagod kung wala ka namang pakinabang sa pinagpapawisan mo? Dapat agapan ng pamahalaan ang suliranin dahil malaking sector ng lipunan ang apektado.
Wika nga, dapat umandar ang utak ng mga “think-tanks” ng pamahalaan sa paghanap ng solusyon sa problemang ito.
May panukala si Ilocos Norte Governor Imee Marcos. Isang three-pronged rescue package para masaklolohan ang ating mga naghihirap na magsasaka. Dumalaw kamakailan ang gobernadora sa mga copra-producing provinces sa Eastern Visayas at Caraga Region at kinausap ang mga magsasaka para malaman ang ugat ng kanilang problema. Nalaman na ang dahilan ng pagbagsak ng presyo ay over-supply ng copra sa pandaigdigang merkado. Ang masaklap pa, anang gobernadora, nangyayari ang pagbagsak ng presyo sa kasagsagan ng anihan.
Kaya ang panukala ni Marcos ay magbigay ng credit ang pamahalaan sa mga apektadong magsasaka sa industriya ng niyog na sinabi mismo ni Agriculture Secretary Piñol na “halos naghihingalo na.”
Kahit si Presidente Duterte ay nag-atas sa Land Bank of the Philippines at Development Bank of the Philippines na bumuo ng programa para tumulong sa mga small borrowers, kasama ang mga magsasaka. At bakit nga hindi?
May P75 billion coco-levy fund ang maaaring gamiting ayuda sa mga coco farmers. Isa pang dapat pagtuunan ng pansin ay ang pagsugpo sa mga copra smugglers, dagdag niya. Kilalanin at idemanda ang mga smugglers na ito na pumapatay sa ating mga magsasaka.
At heto ang magandang ideya na ipinapanukala ni Marcos, ang pagdaragdag sa langis ng niyog sa ginagamit na biodiesel na itinatadhana nang batas ay dapat maisulong para naman magkaroon ng magandang presyuhan sa copra.