EDITORYAL - Mga kampana ng Balangiga
BAGO sumapit ang Pasko, maaaring dumating na sa bansa ang tatlong kampana ng Balangiga na sinamsam ng mga sundalong Amerikano noong 1901 at ginawang “war booty”. Magandang balita ito kapag nagkatotoo ang sinabi ni US Defense Secretary John Mattis kay Philippine Ambassador to the United States Jose Manuel Romualdez na ibabalik na nga ang mga kampana. Maaari nang pakalembangin ang mga kampana sa simbahan ng Balangiga, Samar sa mismong araw ng Pasko.
Nakasulat na sa kasaysayan kung paano napasakamay ng mga Amerikano ang tatlong kampana. Noong Setyembre 29, 1901, sinalakay ng mga gerilya na pinamumunuan ni Gen. Vicente Lukban ang kampo ng US 9th Infantry sa Balangiga at pinatay ang 48 sundalo at nasugatan ang 22 iba pa. Pawang itak at ilang baril ang ginamit ng mga gerilya. Itinuturing iyon na pinaka-grabeng pagkatalo ng US sa giyera.
Para makaganti, iniutos ni Gen. Jacob Smith na pagpapatayin ang mga residente ng Balangiga. Napatay ang may 2,500 Pilipino at pagkaraan ay tinangay ang tatlong kampana bilang katibayan na naipaghiganti ang 48 nilang kasamahan na napatay. Isa sa mga kampana ay dinala sa US camp sa South Korea at ang dalawa ay nasa Air Force base sa Wyoming.
Marami nang pagtatangka para maibalik sa bansa ang tatlong kampana. Ilang Presidente na ng bansa, kabilang si Pres. Fidel Ramos ang umapela sa US na ibalik ang mga kampana pero hindi nagtagumpay. Noong nakaraang taon, inanyayahan ni President Donald Trump si Pres. Rodrigo Duterte na dumalaw sa US pero tumanggi ito. Sabi ni Duterte, pupunta lamang siya sa US kapag ibinalik na ang mga kampana ng Balangiga. Ngayong nakatakda nang ibalik ang mga kampana, pupunta na marahil sa US si Duterte.
Nararapat namang ibalik na ang mga kampana sapagkat pag-aari ito ng Pilipinas. Dapat na ring kalimutan ang pangyayari kung saan maraming napatay sa pagitan ng mga Pilipino at Amerikano. Kung patuloy na iingatan ng mga Amerikano ang tatlong kampana, lagi lang nilang maaalala ang pangyayari noon. Hindi na dapat ingatan ang masamang alaala lalo pa’t matibay na ang pagkakaibigan ng Pilipinas at Amerika. Dapat patatagin pa ang pagkakaisa ng dalawang bansa.
- Latest