HINDI nakalusot ang istilo ng matandang tsekwa ng tangkain nitong magpalusot sa Bureau of Immigration dyan sa NAIA Terminal 2, the other day.
Gumamit ang matandang tsekwa ng Bulgarian passport sa akalang mago-goyo niya ang mga taga - BI Travel Control Enforcement Unit.
Ayon kay Danieve Binsol, hepe ng BI - TCEU sa NAIA T2, galing China ang isang Mu Wei at dumating sa airport na may connecting flight going to Bulgaria.
Sa immigration counter ay inabot ng matanda ang kanyang Bulgarian passport at itinago ang kanyang Chinese passport pero nang kausapin ito ng immigration officer ay hindi sumasagot at kumikibo.
Inireport ng IO kay Binsol ang pangyayari at kinausap ang tsekwa kasama ang isang interpreter pero parang pipi ito.
Sabi ni Binsol, ipinasok nila sa BI departure computer machine ang Bulgarian passport na ibinigay sa kanila pero hindi ito nag-register kaya nalaman nila na peke ang passport.
Isinalin ni Binsol sa pag-iingat ng IACT ang babae para roon ito ma-imbestigahan.
Ang hindi alam ng mga sindikato ng ‘human trafficking’ ay hi-tech na ang BI sa paliparan at may mga sophisticated machines na silang gamit dito.
‘Ano ngayon ang mainam gawin sa mga sindikato?’
Mahihirapan silang makalusot sa airport!
Abangan.
* * *
Engineer Lorna Ricardo, sabit sa PACC
SABIT si Lorna Ricardo, DPWH district engineer, dahil humihirit diumano ito ng ‘commission’ para sa P100 million Lagawe - Caba-Ponghal road development project sa Ifugao.
Huli si Ricardo, ng makunan ito ng video ng Presidential Anti-Corruption Commission ng Malacañang kaya dehins siya makakapalag.
Si Greco Belgica, PACC commissioner, ang mismong naglabas ng video kay Ricardo na dumidiskarte ng P10 million o 10% sa contactor para ibigay todits ang proyektong pinag-uusapan natin sa itaas.
Sabi ng mga asset ng mga kuwago ng ORA MISMO, dumiskarte pa diumano ng 1% dagdag ‘tara’ si Ricardo bukod pa sa hiningi nito
Bakit?
Marami pa raw ang tatarahan ng mga dadaanan ng documents.
Naku ha!
Sabi ng mga asset ng mga kuwago ng ORA MISMO, nanghihingi pa diumano ito ng P20,000 payment for processing fee para sa issuance ng Statement of Work Accomplished.
Sabi nga, marami pang hinihinging dagdag para pambayad sa mga sasakyan na gagamitin ng mga taga - DPWH engineers at para umano sa kabuuang material cost para sa material testing.
Ika nga, maraming umanong demand si Ricardo?
Siguro kung may ibang engineer pa ang titira nito na mas matakaw pa kay Ricardo hindi na lang nila gagawin ang proyekto para ibulsa na lang ang salaping pondo para rito. Hehehe!
Sabi ng mga asset ng mga kuwago ng ORA MISMO, pangalawang beses nang nakadale ng mga ganitong istilo si Belgica sa DPWH kaya naman nagpapasalamat ang madlang people sa matiyagang pagtatrabaho nito para makahuli ng mga kurap.
Tiyak matutuwa rito si Boss Digong oras na mabalitaan niya ang pangyayari.
Abangan.