EDITORYAL - Landport: Solusyon na sana sa trapik sa Metro
BINUKSAN na noong Lunes ang Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) sa Coastal Road, Parañaque. Naging panauhing pandangal si Pres. Rodrigo Duterte. Ito ang kauna-unahang landport sa bansa kung saan ang lahat nang mga pampasaherong bus mula sa South Luzon ay dito na magtutungo para ibaba ang kanilang mga pasahero. Walang ipinagkaiba sa airport, dito sa PITX ay may kanya-kanya ring gate ang mga bus kung saan ay magbababa at magsasakay sila ng pasahero.
Mistulang airport ang landport sapagkat kumpleto ito sa pasilidad. Komportable para sa mga maghihintay na pasahero sapagkat malamig, malinis, may mga comfort room at mabilis ang pagkuha ng mga tiket o boarding pass. Walang problema sa mga pasahero na lilipat sa ibang sasakyan sapagkat may mga naghihintay ng UV Express at taxi na maghahatid sa kani-kanilang destinasyon.
Iisa ang layunin sa pagtatayo ng PITX: para masolusyunan ang grabeng trapik sa Metro Manila particular na sa EDSA. Hindi na daraan ng EDSA ang mga provincial bus na ang mga garahe ay nasa Cubao, Quezon City. Halos lahat ng mga provincial bus na galing South Luzon ay nagsisiksikan sa mga garahe nila sa Cubao dahilan para magsikip ang trapiko lalo na kung rush hour. Ang matindi pa, humahambalang ang mga bus sa gitna ng kalsada kapag nagbababa at nagsasakay.
Ayon sa awtoridad, malaki ang maitutulong ng PITX sa pagluluwag ng trapik sa Metro Manila. Plano na rin ang ganitong landport sa mga bus na manggagaling naman sa northern part ng Luzon.
Harinawang magtagumpay ang PITX at hindi ningas-kugon lamang ang operasyon. Hindi sana pakitang-tao at sa simula lang maganda ang pagpapatakbo. Sa mga nakaraang administrasyon, marami nang sinubukang paraan para masolusyunan ang trapik sa Metro Manila pero walang nagtagumpay sapagkat pawang pakitang tao lamang. Hindi sana ganito ang mangyari sa PITX at sa mga bubuksan pang landport.
- Latest