Proyekto ni Noy Tinapos ni Digong
KAMAKAILAN ay pinasinayaan ni Presidente Duterte ang ambisyosong Parañaque Integrated Terminal Exchange. Isang proyekto itong hindi natapos ng nakaraang administrasyon. Dahil dito’y pinipintasan ng kanyang mga detractors ang Pangulo. Wala raw siyang sariling proyekto at tinatapos lang niya ang mga napasimulan na ng nakaraang administrasyon.
Sa tingin ko naman, isang positibong katangian ang ipinakita ni Duterte na tapusin niya ang mga proyektong pinasimulan ng kanyang kalaban sa politika. Yung ibang nakaraang Pangulo, hindi itinutuloy kahit na ang mga magagandang napasimulang proyekto ng kanilang sinundang leader komo sila’y magkalaban sa politika. Ika nga’y pataasan ng “pride” ang nangyayari. Kaya tuloy, gumagastos ng malaki ang pamahalaan mula sa buwis na ibinabayad ng mamamayan na wala namang hinahantungang mabuti.
Ang terminal ay para sa mga bus na bumibiyahe mula sa Timog Katagalugan na nagtutungo sa Maynila. Isang landport kung tawagin pero ang hitsura ay primera klaseng airport. Ang maganda rito, ang mga mananakay ay walang babayarang terminal fee.
Para kumita ang proyekto, magpapaupa ito sa mga concessionaires na nais magtayo ng business sa loob ng terminal tulad ng restaurant and shopping centers. Magiging para itong isang mall. Ang lupain ay pag-aari ng pamahalaan ngunit ang nagtayo ng proyekto ay pribadong sector.
Magandang pasimula ito para kahit unti-unti ay kakitahan ng malaking pag-unlad ang ating bansa.Kakatwa lang na ngayong mayroon na tayong matatawag na ultra-modern landport, hindi pa tayo nakapagsisimulang magkaroon ng modernong airport kaya inaabot ng sandamakmak na pagpintas ang ating bansa sa mga dayuhan. Sana’y masimulan na rin ito.
- Latest