NABISTO ng mga sekyu sa parking space ng Powerpoint Mall, Rockwell, Bgy. Poblacion, Makati City ang modus ng Budul-Budol Gang na bumibiktima ng mga senior citizen. Ayon sa mga sekyu na sina Renante Domino at Bartolome Pabon ng Lockhead Security Agency, naghinala sila sa ikinikilos ng mga suspek kaya minanmaman nila. Nang malaman nilang may kalokohang ginagawa ang mga suspek sa loob ng Isuzu Trooper (plate no. XBP 109) at Toyota Revo (WLH 369) ay agad silang humingi ng tulong sa mga pulis. Agad rumesponde ang Makati Police Community Precinct 6 na sina PO2 Christopher Rosales at PO1 Byron Atilon at naaresto ang mga suspek.
Kinilala ni Makati Police Station chief SSupt. Rogelio Simon ang mga suspek na sina Angelita Ditos y Nato, 52, ng 33 Malibong 2. Matanda, Pandi Bulacan; Mabelle Lopez y Serrano, 42, ng, 8 Virra Ville Subd. Las Piñas City; Elenita Alba y Borlas, 58, ng 2372 Pulang Lupa Las Piñas City; Analyn Perez y Tianung, 43, ng San Nicolas 2 Bacoor Cavite; Marie Cablo y Llamares, 37, ng Blk. 7 Lot 27 Phase 2 Armstrong Village Paliparan Dasma Village; Linda Marquez y Pascual, 44, ng Binakayan Bacoor Cavite; Adelmo Ranas y Sanchez, 58, ng Salinas Bacoor Cavite, Ramon Bertuldo y Lansang, 51, Area G Bgy. St Peter Dasma Cavite; Jerry Apao y Atis, 59, 473 Saging St., Las Piñas City at Edgar Yabut y Cruz, 60, 1231 Sto Niño St., Tondo Manila.
Hindi sana nadenggoy si SSupt. Simon sa mga pangalan ng mga Budol-Budol dahil matamis sila kung manalita kaya nalilinlang ang mga biktima. Sir Simon, paki-verify mabuti ang mga pangalan nila at baka hindi tunay hehehe! Sayang naman ang pinagpaguran ng dalawang sekyu. Dapat parangalan ang mga sekyu na sina Domino at Pabon dahil hindi na kayo nahirapan sa paghahanap sa Budul-Budol makaraang biktimahin si Puratoryo Catalina nang gabing iyon.
Kaya mga suki, mag-ingat sa mga taong matatamis ang dila at nagmumukhang kawawang lumalapit sa inyo dahil malamang mga Budul-Budol sila. Iwasang maghangad ng biglang yaman dahil lamang sa ipinakitang bungkus-bungkos na pera at mga alahas na nasa bag.
Sa mga nabiktima ng Budul-Budol, lumapit kayo kay SSupt. Simon ng Makati Police upang maidagdag sa kaso ng mga naaresto para hindi na sila makalabas sa kulungan. Ingatan ang inyong sarili at kabuhayan, at huwag basta makipagpalagayan sa mga taong minsan lang nakilala.