EDITORYAL - Sundalo sa Customs

MALAKI ang tiwala ni President Duterte sa mili­tary. Kaya karamihan sa mga inilalagay niya sa puwesto ay mga retiradong militar. Patunay ang paglalagay niya kay dating AFP chief at Marina administrator Rey Guerrero sa Bureau of Customs kapalit ni dating Commissioner Isidro Lapeña na inilipat naman sa TESDA.

Naniniwala ang Presidente na military ang kasagutan para matigil na ang pagpupuslit ng shabu sa Port of Manila. Ginagamit ang Customs ng drug syndicate para makapagpuslit ng shabu. Isang paraan ay ang paglalagay ng shabu sa loob ng magnetic lifters. Bilyong halaga ng shabu ang naipasok sa bansa makaraang isilid sa apat na magnetic lifters na natagpuan sa isang warehouse sa GMA, Cavite noong Agosto. Ayon sa PDEA, nagkakahalaga ng P11 bilyon ang shabu. Noong una, ayaw maniwala si Lapeña na shabu ang laman ng magnetic lifters pero naniwala rin ito makaraan ang pagdinig sa Kongreso.

Nasa ilalim na ngayon ng military ang Customs batay sa utos ng Presidente. Maaari na umanong buksan ang mga shipment para makita ng mga sundalo. Malaki ang paniniwala ng Presidente na mawawala ang corruption sa Customs at hindi na uubra ang pagpupuslit ng shabu kapag mga sundalo ang nagbantay. Noong Lunes, ipinag-utos na ni AFP chief of staff Carlito Galvez ang deployment ng mga sun­dalo sa Customs ayon sa request ng bagong Customs chief. Hindi naman nilinaw kung ilang batalyon ng sundalo ang dineploy sa Customs.

Ito na nga siguro ang tanging solusyon sa hindi matapus-tapos na corruption sa Customs. Naka­pagngingitngit na matindi ang kampanya ng pamahalaan laban sa illegal na droga pero ang mga corrupt sa Customs, hinahayaang makapuslit ang shabu sa Port of Manila. Paano matatapos ang problema kung bumabaha ang shabu. Kahit pa nga araw-araw ay may mapatay na pusher ang PNP, hindi masosolb ang problema sapagkat patuloy ang pagpasok ng shabu sa bansa.

Kung ang militarisasyon sa Customs ang ina­akalang solusyon, subukan ito. Ingatan lamang na ang mga sundalong idedeploy ay hindi kakainin ng sistema at maging corrupt din. Panibagong problema ito kapag nagkataon. Sana naman, hindi ma­impluwensiyahan ng kabulukan ang mga sundalo.

Show comments