NGAYONG araw ng Undas, ibig ipaalaala ng kaibigan nating si dating Cong. Atong Asilo ng 1st district ng Tondo ang kanyang taunang panata na ngayo’y nasa ika-20 taon na: ang libreng sakay tungong Manila North Cemetery para sa mga residente ng Tondo. Ito ay mula alas-siyete ng umaga hanggang alas-tres ng hapon. Ang mga terminal para rito ay nasa Pritil, Mata/Herbosa, Kagitingan/Tuason, Almario/Linampas, Moriones, Delpan, Smokey Mt./Rodriguez, at mayroon din sa Franco, Lakandula at Capulong.
* * *
Ngayon, sa ating paksa. Kung ilang ulit ko nang natalakay ang konseptong ito sa pagbabakasakaling mapansin at ipatupad ng sino mang enterprising person o entity. Dahil ipinagdiriwang ngayon ang Undas, ulitin natin ang konsepto kong “Cemetree”.
Nauubos sa buong mundo ang mga punongkahoy. Dahil dito, nasasalanta ang kapaligiran. Kung sa bawat mamamatay ay may itatanim na punongkahoy sa pinaglibingan, mabilis na uusbong ang sandamakmak na punongkahoy na lulutas sa matagal nang problema ng daigdig na pag-init ng klima at pagdumi ng hanging nilalanghap.
Sa halip na mga nitso at musoleo, ang mga sementeryo ay magiging mistulang paraiso na napapaligiran ng mga punongkahoy at halamanan. Magiging mistulang parke na sa halip katakutan ay puwedeng gawing pasyalan.
Tutal, nagiging popular ngayon ang cremation o pagsunog ng mga labi ng namatay, maaaring ilibing ang abo sa ilalim ng mga puno na magsisilbing “family tree” ng mga pamilyang Pilipino.
Kung ayaw sa cremation, maari rin namang direktang ilibing sa lupa ang mga labi bago taniman ng punongkahoy.
Kung ang punongkahoy ay magsisilbing “marker” para sa yumao, ito ay igagalang ng ibang tao dahil likas sa mga tao ang may respeto sa mga namayapa. No folks, it’s not cemetery but CEMETREE. Ayos ba?