(Part 1)
TINATAYANG 15 milyong Pilipino ang may high blood pressure o altapresyon. Halos 25% ng taong lampas edad 18 ay may high blood. Kapag umabot na ng edad 60, halos 50% na ang may high blood.
Ano ba ang ibig sabihin ng high blood?
Kapag ang blood pressure niyo ay lampas sa 140 over 90, marahil ay may high blood ka na. Ngunit kapag ika’y pagod, nagalit o nag-eehersisyo, tataas din ang iyong presyon pero hindi ibig sabihin ay high blood ka na. Dapat ang pagkuha ng blood pressure ay kung ika’y nakapahinga at walang ginagawa.
Ang normal na blood pressure ay mas mababa sa 140 over 90. Ang pinakamainam na blood pressure ay mga 120 over 80. Kung mas mababa pa rito ay okay din. Pero siyempre, ayaw nating sobrang baba ang iyong presyon (mas mababa pa sa 90 over 60) dahil baka senyales din ito ng mahinang puso.
Ano ang sanhi ng high blood?
Dalawa ang pinanggagalingan ng high blood. Una, namana mo ito sa iyong magulang. Pangalawa, nakuha mo ito sa maling pamumuhay tulad ng paninigarilyo, pagiging lampas sa timbang, pagkain ng sobrang alat at matataba at kulang sa ehersisyo.
Mayroon pang ibang mga factors na puwedeng magpataas ng iyong presyon tulad ng pagpupuyat, kulang sa tulog, laging nagagalit, sobrang init ng panahon, at sakit sa bato.
Ano ang sintomas ng high blood?
Ang tamang sagot dito ay “wala!” Kadalasan ay walang nararamdaman ang isang taong may high blood. Kaya nga tinatawag na “silent killer” ang high blood pressure dahil nanganganib na pala ang buhay ng pasyente pero wala pa siyang nararamdaman. Nakakatakot di ba?
Pero may ilang tao ang nakararanas ng sintomas, tulad ng pananakit ng batok, mabigat ang ulo at pagkahilo. Masasabi nating mapalad ang taong may sintomas dahil mas maaga silang nakapagpapa-check up sa doktor.
Maraming komplikasyon ang high blood katulad ng stroke (pagdugo sa utak ng tao), pagkabulag, sakit sa bato at atake sa puso. Magpatingin kaagad sa doktor kapag ang presyon niyo ay lampas 140 over 90 para mabigyan kayo ng lunas. Kung hindi niyo alam ang iyong presyon, magpakuha na rin kayo sa clinic o health center.
Sa susunod, ipapaliwanag ko ang mga epektibong gamutan sa high blood. Abangan!