BINABATI natin ng pinakamapagpalang ika-40 anibersaryo ang lahat ng mga kapatid na Kristiyano na miyembro ng Jesus is Lord Church (JIL).
Tulad ng nangyayari taun-taon, dinagsa nang di-mahulugang karayom na mga mananampalataya ang pagdiriwang kahapon na ginanap sa Quirino Grandstand sa Luneta.
Sa harap ng mga mabibigat na pagsubok na dinaranas ng bansa lalo na sa larangan ng ekonomiya at politika, tumpak ang pormulang ipinangangaral ng namumuno ng JIL na si Bro. Eddie Villanueva: “Pagtanggap kay Jesu-Cristo bilang Panginoon at Tagapagligtas.”
Madalas sambitin ni Bro. Eddie ang mga talata sa 2 Chronicle 7:14: “If my people who are called by my Name will humble themselves and pray, seek my face and turn from their evil ways, then I will hear from Heaven, forgive their sins and heal their land”.
Ilang henerasyon na ng administrasyon ang naglabas-masok sa bansa pero heto tayo at pareho pa rin ang inirereklamo: Kawalan ng kaunlaran at magulong politika, tumataas na presyo ng bilihin, grabeng kriminalidad. Tumpak ang isinasaad ng mga talata. Tayong mga kinapal ng Diyos ay dapat yumakap sa kanya at magsisi sa ating mga kasalanan.
Hindi yung kasalanan lamang ng mga nakaupong leader ang napupuna natin. Dapat din nating punahin at punuan ang ating mga kakulangan bilang mamamayan.
Hinahangad natin ang kagalingan natin bilang isang bansa. Sabi ng Diyos, magsisi, hanapin Siya at tumalikod sa kasamaan at kasalanan upang tayo ay patawarin at pagalingin.