MARAMING nagulat, isa na ako sa magandang pasya ni Makati Regional Trial Court Judge Andres Soriano. Nagpapahiwatig lamang na gumugulong pa ang batas sa ating bansa. Alam naman nating lahat na pader ang binangga ni Soriano. Kaya pala medyo natagalan ang pagdedesisyon dahil pinag-isipan munang mabuti ang gagawing desisyon upang hindi siguro magsisi sa bandang huli. Hindi sa sinusuportahan ko rito si Sen. Antonio Trillanes kundi ang batas sa ating bansa kung nasa tamang proseso pa ba. Masasabi kong nagbaba ng hatol si Judge Soriano nang naaayon sa kanyang konsensiya na tama lamang.
Gagawin lahat nang paraan ng mga alipores ni President Digong upang maitulak sa kulungan si Trillanes, tulad ng ginawa kay Sen. Leila de Lima. Alam natin na si Trillanes ay numero unong bumabatikos sa administrasyong Duterte. Hindi magkandaugaga ang mga galamay ni Digong sa hatol ng RTC Judge. Itong sira-ulong Solicitor General Jose Calida ang promotor sa lahat. Masyadong sipsip sa kanyang boss. Hindi kaya unti-unti nang nakokopya ni Digong ang diktador na si Ferdinand Marcos. Idol ang tawag niya rito. Malapit nang matulad ang bansa natin noong panahon ng martial law ng mga Marcos. Pinatatahimik ang mga taong kumakalaban sa gobyerno. Pag ito’y nangyari ulit posibleng magkaroon ng panibagong people power.
Sa ginawang desisyon ni Judge Soriano, maraming nabuhayan ng loob. Di pala tayo dapat mawalan ng pag-asa dahil may hukom pa palang neutral. Malamang dinurog at binastos ng followers ng administrasyon Duterte sa social media si Soriano. Saludo ako sa kanyang naging hatol. Hukom na di kayang suhulan at diktahan ninuman.