Mataas ang kolesterol

SI Linda ay nag-aalala dahil ang resulta ng kolesterol niya ay 273 mg/dl. Sobra ito ng 73 points sa normal na 200 mg/dl. Kahit wala siyang nararamdaman, natatakot si Linda na baka atakihin siya sa puso. Ano ang dapat niyang gawin?

1. Ipasuri kung tama ang blood test.

Minsan ay nagkakamali ang mga laboratory sa blood test. Sigurado ka bang hindi ka kumain sa loob ng 10 oras bago kunan ng dugo? Huwag munang matakot. Subukan munang magdiyeta at mag-ehersisyo. Pagkatapos ng 2 buwan, ipaulit natin ang blood test.

2. Kumain nang tama.

Mahal ang gamutan sa kolesterol at posibleng may side effects pa. Dahil dito, piliting isaayos ang iyong pamumuhay bago tayo mag-gamutan.

Kung kayo ay sobra sa timbang, kailangan nating magpapayat. Kapag ika’y pumayat ng 5 pounds, bababa rin ang iyong kolesterol.

Sa diyeta, subukan ang madalas na pagkain ng oatmeal, beans (monggo) at gulay. Makapagbabawas ito ng malaki sa iyong kolesterol. Kung dati ay mahilig ka sa taba ng baboy, mantika at pritong pagkain, subukan mo naman ang taba ng isda. Tapyasin din ang taba ng baboy bago ito lutuin.

Iwasan ang pagkain ng mga cakes, pastries, croissant, ensaymada, mantikilya, cookies at iba pang mamantika na bagay. Kung dati ay hilig mo ang sinangag at fried rice, piliin na lang ang sinaing.

3. Mag-ehersisyo.

Mag-ehersisyo ng 3 hanggang 5 beses kada linggo. Gawin ito ng 30 minutos hanggang isang oras. Malaki ang maitutulong ng ehersisyo sa pagbaba ng iyong kolesterol.

4. Subukan ang natural na gamutan.

Ang pagkain ng bawang ay puwedeng makababa ng kolesterol sa dugo ng 9 to 12%. Ang pag-inom din ng omega-3 fish oil supplements ay nakabababa ng triglyceride levels, isang klase ng taba sa dugo.

5. Gamot sa kolesterol.

Kung pagkaraan ng 2 buwan na pagdidiyeta ay mataas pa rin ang iyong kolesterol, puwede na tayo mag-umpisang uminom ng maintenance na gamot. Ito ay ang mga generic na Simvastatin, Atorvastatin o Rosuvastatin. Mayroon nang mga murang gamot sa generics na botika.

Ito ang tamang paraan sa paggagamot ng kolesterol n’yo. Subukang mag-diyeta at mag-ehersisyo muna ng 2 buwan. Kapag hindi nakuha sa natural na paraan ay doon pa lamang tayo iinom ng gamot. Good luck po.

Show comments