SA lahat ng mga magsasaka, ang mga sugarcane farmers ang pinaka-kawawa ang kalagayan. Tinatawag silang sakada. Sila ang pinaka-mahirap at pinakamabigat ang trabaho. Kapag itinanim ang tubo (sugarcane), kailangang linisan ang paligid nito para walang mga damo o bagin na maaaring pumatay dito. Kapag napuluputan ng bagin, mamamatay ang tubo. Kailangan ding alagaan ang tubo habang lumalaki sa pamamagitan ng pag-aalis ng mga tuyong dahon. At ang pinakamabigat sa lahat ay ang pag-aani o pagtabas sa tubo at saka papasanin ang mga ito patungo sa trak na magdadala naman sa mga pigaan para makuha ang katas na ginagawang asukal. Grabeng hirap ng trabaho ng sakada lalo pa kung tag-init.
Kapag natabas na ang tubo, panibagong pagtatanim na naman. Kapag nakapagtanim, mahabang panahon ang hihintayin bago mag-ani. Wala silang pinagkakakitaan sa panahong naghihintay sa paglaki ng tubo. Gutom ang inaabot nila sa ganitong panahon. Wala silang alam na pagkakakitaan. Mas matindi kung mayroon silang mga nag-aaral na anak. Hindi nila alam kung saan kukuha ng perang pantustos sa mga anak.
At ang nakapanghihilakbot, ang mga kawawang sugarcane farmers pa ang walang awang pinapatay. Para silang manok na binabaril. Katulad ng nangyari sa siyam na sakada na walang awang niratrat habang natutulog sa tent sa Sagay City, Negros Occidental noong gabi ng Sabado. Umano’y 40 armadong kalalakihan ang pumatay sa grupo. Kabilang sa mga napatay ang tatlong babae at dalawang menor-de-edad. Naganap ang masaker sa Hacienda Nene kung saan nagtayo ng tent ang mga magsasaka para masilungan habang nagtatanim ng gulay.
Ayon sa Philippine National Police (PNP), mga miyembro ng Negros Federation of Sugar Workers ang mga pinatay. Itinuro ng PNP ang New People’s Army (NPA) na isa sa maaaring may kagagawan. Posible rin umanong mga tauhan ng Haciena Nene ang nagmasaker. Hanggang sa kasalukuyan, blanko pa ang PNP sa masaker pero nag-iimbestiga na sila.
Isilbi ang hustisya sa kawawang sugarcane farmers. Masyado nang kawawa ang kanilang kalagayan na napagkakaitan ng hustisya. Huwag hayaang mabaon sa limot ang karumal-dumal na krimeng ito.