BINIGYAN ng kaukulang pagpapahalaga ng Universidad de Manila (UDM) ang linggo ng kalusugang pang-isipan o mental health week. Nakapagkumbida kami ng panauhin upang manguna sa diskusyon tungkol sa mental health kasama ang mga panelist mula sa aming University Health Service, Psychology Department at Guidance Office para sa pagpapangalaga ng mga istudyante; at sa Personnel office na nakatuon din sa pangkalahatang kalusugan ng mga kawani.
Naging madamdamin ang testimonial ng aming bisita na si Ms. Jerika Ejercito, isa sa mga pangunahing tagasulong sa pagpasa ng Philippine Mental Health Law. Maraming naibahaging statistika si Ms. Jerika tungkol sa bilang ng mga Pilipinong apektado, halos 1/4th ng kabataan, at kakulangan ng ating mga mental health professionals para serbisyuhan ang nangangailangan. Sadyang napakalaki ng sektor ng lipunan na apektado ng mga kalagayang may kinalaman sa mental health. Subalit kakaunti pa rin ang bilang ng Pilipinong may malawak na pag-unawa sa usaping ito.
Ang aming mga mag-aaral ay naliwanagan nang husto sa idinaos na event. Sadyang kulang ang mga inisyatibo mula sa mga Pamantasan at mga mataas na paaralan upang imulat ang kaalaman ng mga bata. Ang pinakamahalagang mensahe ay huwag silang matakot o mag-atubili sakaling may mga nararamdamang simtomas ng ganitong kalagayan. Inilalabas na ito sa dilim. Kasunod ay ang pagtanggap na hindi ito biro kapag maapektuhan. Hindi ito guniguni lang o bagay na maaring ipagpaliban. Ang iyong nararamdaman ay kinikilalang seryosong karamdaman na maaring mabigyan ng lunas kung maagapan. Hindi kailangan humantong sa puntong mawawalan ka ng pag-asa na baka kung ano pang pag-isipan na gawin sa sarili.
Salamat sa pagpupunyagi ni Ms. Jerika at sa mga personalidad na tumaguyod sa Mental Health Law, kasama ang yumaong Senadora Leticia Ramos Shahani. Andiyan din ang mga mambabatas sa pangunguna ni Sen. Riza Hontiveros at iba pang senador na umalalay rito. Sama-sama nating harapin ang hamon ng isang epektibong kampanya para sa kalusugan ng pag-iisip ng lahat.