Paano sila nanalo sa Balangiga, 1901
TATLUMPU’T WALONG hasang-hasang opisyal at tauhan ng U.S. Army ang dumaong sa Balangiga, Samar, nu’ng Agosto 1901. Agad inokupa ng opisyales ang kumbento sa kabayanan, ng mga sundalo ang apat na malalaking bahay sa gilid ng plaza. Ripleng de bayoneta ang sandata nila, bukod sa Gatling gun na sinaunang machinegun, at kanyon.
Hindi umiinom ng tubig ang mga dayuhan, kundi sabaw ng buko lang, sa takot na lasunin sila ng taumbayan. Inabuso kasi nila ang mamamayan. Inagawan ng ani, manok, kambing, at baka. At sapilitang pinaglilinis ng tinitirhang kumbento at mga bahay, pinagluluto ng pagkain, at pinaglalaba ng uniporme. Sinasaktan pa sila. Personal silang binusabos, bukod sa pag-agaw sa kalayaang nakamit ng mga Pilipino laban sa Espanya nu’ng 1898.
Dinaan ng mamamayan ng Balangiga sa gulat para masukol ang kalaban. Araw ng Linggo ang ika-28 ng Setyembre 1901. Hindi nahalata ang pagdagsa ng kalalakihan sa kabayanan. Akala ng mga Amerikano magsisimba lang ang mga tao. Bukod du’n, may sabong ng manok noon. At nagpatawag pa ang hepe ng mga sundalo ng maraming magtatabas ng damo sa gilid ng plaza na pinamumugaran ng lamok na may dalang malaria at dysentery.
Bihis babae ang ilan sa mga rebolusyonaryo na nakatalagang lusubin ang mga opisyales ng Amerikano sa kumbento. Nakatago sa mga bayong at kariton ang kanilang mga sibat, gulok, at bambo. Pagkalembang ng tatlong kampana sa simbahan, alas-7 ng umaga, sinalakay ng mamamayan ang mga nag-aalmusal na sundalo. Dalawampu’t-walo sa mga rebolusyonaryo ang napatay. Tatlumpu’t-anim na sundalo ang tinumba; dalawang sugatan lang ang nakatakas at nakatawag ng saklolo. Ginawang war booty ang mga kampana.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).
- Latest