ANG pagpasok sa pulitika ay para ring nag-aaplay sa trabaho. Dapat ay walang masamang record. Kaya nga maraming hinahanap na requirements ang mga kompanya sa aplikante. Unang-una na ang police at NBI clearance at mayroon pang barangay certificate na katunayan na walang kinasangkutang asunto o mga kaso ang nag-aaplay. Sa pagkuha pa lang ng NBI o police clearance, lalabas na ang katotohanan kung may kaso. At ito ang pagbabatayan ng pinag-aaplayang kompanya kung tatanggapin o hindi ang aplikante.
Pero sa takbo nang pulitikang nangyayari nga-yon sa bansa, kahit may mga kaso ay puwedeng tumakbo o kumandidato ang kahit sino. Walang batas na nagbabawal sa sinumang nais tumakbo kahit pa may mga kaso sila. Malaya ang lahat na tumakbo at walang makakapigil. Hindi na kailangan ang NBI o police clearance sa pagpa-file ng kandidatura na dapat sana ay mayroon para mabusisi kung may kinasasangkutang kaso.
Nag-file ng kandidatura para senador sina Juan Ponce Enrile, Jinggoy Estrada at Bong Revilla. Ang tatlo ay pawang sangkot sa pork barrel scam at kinasuhan ng graft at plunder ng Office of the Ombudsman noong Hunyo 2014. Ang nagmaniobra ng pork barrel scam ay si Janet Lim Napoles na kasalukuyang nakakulong.
Nakalaya si Enrile makaraang pagbigyan ng Supreme Court na makapagpiyansa dahil matanda na at may iniinda umanong sakit. Si Jinggoy ay nakapagpiyansa noong Setyembre 2017 pero mayroon pang hinaharap na ibang kaso. Si Revilla ay naka-detained sa Camp Crame.
Sabi naman ng Sandiganbayan, hangga’t hindi pa nako-convict ang defendants, hindi sila madi-disqualify sa pagtakbo sa public office.
Nag-file rin ng kandidatura si dating Vice President Jejomar Binay at kanyang anak na si Junjun. Ang mag-ama ay nahaharap sa trial dahil sa napakamahal na construction ng Makati City Hall car park. Si VP Binay ay tatakbong congressman at si Junjun ay mayor.
Hindi lamang ang mga nabanggit ang tatakbo na may hinaharap na kaso, marami pa. Sana ma-kagawa ng batas na magbabawal sa pagtakbo ang may kaso. Dapat ma-clear muna ang mga pangalan sa kaso bago payagang makatakbo. Paano mapapatunayang tapat na maglilingkod sa sambayanan kung may naka-pending na kaso?