Nakakatuwa

NAKAKAHILO ang dami nang nag-file ng kandidatura sa Co-melec nitong nakaraang linggo. Maging national man o local, mahigit sa inaasahan ang mga kababayang naghahangad makapagsilbi sa Inang Bayan.

Sa posisyong Senador, 152 ang nagsampa ng Certificate of Candidacy (CoC). Mayroon mang mga nagpapanggap lang, sa huli ay mataas din ang bilang ng mga seryosong kandidato. Ito ‘yong may kakayahang pangatawanan ang pang-national na kampanya. Sa partido na lang ng administrasyon, hindi pa magkasya sa 12 man ticket ang dadalhing pangalan. Maging ang oposisyon, hindi lamang ang 8 ng Liberal ang may pag-asa. Pati rin ang mga independiente o galing sa party-list ay may karapatan ding tumabla. 

Sa labanang kongresyonal, nagbabalikan ang mga nag-graduate noong 2016 sa paniwalang mababawi nila ang puwestong nasungkit ng mga bagong salta sa politikang kongresyonal. Sa halos lahat ng distrito, makakatunggali ng incumbent ang dati nang naging congressman.

 Sa mga lungsod at bayan, panay rematch din ang nasisilayan. Sa Metro Manila na lamang at sa mga kapitolyo nang malalaking lalawigan, natutuwa ang mga botante dahil sa lawak ng pagpipilian. Marami rito ay mga batang kandidato. 

Matagal na ring hindi nagkaroon ng ganitong excitement sa pakikilahok sa halalan. Hindi ko alam kung nadala sila sa kuwento ng ating Pangulo – isang hamak na lokal na pulitiko na nakipagsapalaran. Sino ang hindi mabubuhayan sa mala-Cinderella story ni Digong? Ito ang dahilan kung bakit maraming nahikayat na makilahok. Ang nagawa ni Digong ay kaya ring gawin ni Juan at ni Pedro. Pati na ang mga matagal nang inaawitan nating makisali – tulad ng iniidolong si Atty. Jose Manuel “Chel” Diokno at si Dr. Willie Ong – ay nagdesisyon na ring tumuloy.

 May mga hindi magandang tanawin – gaya ng sabay sabay na pagkandidato ng mga magkamag-anak. Mayroon pang mga magkapatid na maglalaban-laban. Iilan lang ang mga kasong ito. Ang karamihan pa rin ay mga labanang pagkakatuwaan ng madla. Malaking bagay para sa kalusugan ng ating demokrasya ang ganitong panunumbalik ng sigla sa ating pulitika.

Show comments