KUNG matatandaan n’yo, isang sekyu ang nagpasaklolo sa amin noong Oktubre 9. Reklamo niya, pinag-duty daw agad siya ng kanyang ahensya na J. Cañizares Security and Investigation Agency nang wala man lang pormal na training, medical exam at neuro test. Ang malala nito, maski security license wala rin siya!
Ang pobre, pinagbabayad ng mahigit kuwarenta mil para sa 9mm na baril na nakumpiska sa kanya ng isang pulis habang naka-duty. Pati motorsiklong hiniram sa kapitbahay, kinuha ng amo niya.
Aminado ako na nagpintig ang aking tainga nang marinig ang kwento. Habang kausap ko kasi ang pobre, halos anghel ang tingin ko dahil ang kayod kalabaw niya raw na pagtatrabaho ay para sa kanyang anak at pampaaral ng kanyang asawa.
Subalit ang lahat ng ito, kasinungalingan lang pala! Kasama ang mga pulis, pinagharap namin ang nagrerekla-mong sekyu at ang inirereklamong ahensiya. Doon lumabas ang katotohanan, na si Mamang sekyu pala ang tunay na may-kademonyohan!
Giit ng may-ari ng ahensiya, siya na raw itong tinulu-ngan at binigyan ng trabaho, nakuha pa nitong manggago! Hindi raw totoo na wala siyang training dahil may certification mula sa dati nitong ahensiya na nagtrabaho siya sa SM Fairview. Kumpleto rin daw ang 201 file nito. Bulalas pa ng may-ari eh sakit daw talaga sa ulo ang sekyu dahil natutulog ito habang naka-duty!
Humiling ang mismong may-ari ng ahensiya na isalang sila sa aming programa para malinis ang kanilang pa-ngalan. Sa pagkakataong ito, muli rin naming inimbitahan ang sekyu na si Loid Portugal para magkaalaman. Pero ang kolokoy, nowhere to be found! Mukhang guilty yata talaga?!
Para maayos na ang gusot na ito, tinawagan namin si Asst. Chief Manuel Maligaya ng Enforcement Management Division ng PNP-SOSIA.
Aniya, puwede raw matanggalan ng lisensya ang putok sa buhong sekyu. Maari rin nilang sampahan ng criminal case si Loid sa ginawa. Payo ni PCI Manuel Maligaya, magpunta sa kanilang tanggapan para pormal na makapagsampa ng reklamo. Hindi ordinaryong programa ang BITAG-Kilos Pronto. Malalim ang ginagawa naming pag-iimbestiga sa bawat kaso at reklamo. Kaya kung gagamitin n’yo ang aming programa para magpakampi, neknek n’yo! ‘Di n’yo kami maloloko!