EDITORYAL - Dumami ang naghihikahos
MULA 48 percent noong Hunyo, nag-jump sa 52 percent noong Setyembre ang mga nagsasabing sila ay naghihikahos sa buhay. Binubuo ng 12.2 milyong pamilya ang nagsabing hirap na hirap na silang pagkasyahin ang kanilang kinikita dahil sa pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin gaya ng bigas at sardinas. Ang survey ay ginawa ng Social Weather Stations (SWS) noong Setyembre 15-23. Ito ang ikalawang magkasunod na surbey na mataas ang porsiyento ng mga naghihikahos.
Kahit na hindi idaan sa surbey, makikita naman na marami talaga ang nahihirapan na pagkasyahin ang kinikita dahil sa mataas na bilihin. Dahil sa sunud-sunod na pagtaas ng gasolina at diesel, hinatak na ang presyo ng pangunahing bilihin. Hindi naman tumataas ang suweldo kaya ang nabibili ng pera ay kakarampot na. Kamakalawa, nagtaas na naman ng presyo ang petroleum produtcs kaya nakaamba na naman ang pagtaas ng mga bilihin. Pati ang pagtaas ng pamasahe at singil sa kuryente ay nagbabadya na rin.
Ang pagsuspende sa excise tax sa produktong petrolyo ang tinitingnang solusyon sa pagbaba ng presyo ng mga bilihin. Maraming humihiling na suspendihin muna sapagkat nakasaad naman sa TRAIN law na kapag umabot sa $80 per barrel ang langis, puwedeng alisin ang tax. Nasa $83 na ang bawat bariles. Pinag-iisipan na umano ito ng Presidente.
Darami pa ang maghihikahos kapag hindi nagpasya ang pamahalaan kaugnay sa pagsuspende sa excise tax. Kahit pa sinabi ng Presidente na dadagsa ang bigas sa pamilihan dahil “free for all” na ang importation nito, mananatili pa ring mataas ang presyo nito dahil ang pagtransport ng mga bigas ay ginagamitan din ng gas o diesel. Bago makarating sa mga pamilihan ang bigas, kailangang gumamit ng fuel.
Ang pinakasolusyon, pagsuspende sa excise tax. Lahat ay bababa kapag inalis ito. At hindi sana patagalin ang pagdedesisyon sa bagay na ito. Kailangang magpasya para malunasan ang paghihikahos nang nakararami.
- Latest