EDITORYAL - Babaha ng bigas
KAHIT sino ay maaari nang mag-import ng bigas basta makapagbabayad ng taripa. Ito ang ipinag-utos ni Pres. Rodrigo Duterte noong Martes. Gusto niya na bumaha ang bigas sa pamilihan para bumaba ang presyo. Kapag marami raw bigas, tiyak na magkakaroon ng kumpetisyon at bababa ang presyo. Kapag mababa ang bigas, hindi na raw masyadong apektado ang taumbayan kahit tumaas pa ang presyo ng gasolina at diesel. Makokontrol din daw ay ang inflation kapag bumaba ang presyo ng bigas. Isa sa sinisisi ng Presidente sa pagpalo ng inflation rate ay ang mataas na presyo ng bigas. Ngayon daw ay “free-for-all” na ang importasyon ng bigas, maiibsan na ang dinaranas na problema sa presyo ng mga bilihin.
Pero hindi lahat ay natutuwa sa pasyang ito ng Presidente. Kahit ang ilang Cabinet secretaries ay nagkakasalungatan dito. May ilang tutol sa importasyon ng bigas at isa na umano rito ay si Agriculture Secretary Manny Piñol. Isa sa mga nagsulong ng “free-for-all” importation ng bigas ay si Finance Secretary Carlos Dominguez. Sinunod ng Presidente ang rekomendasyon ni Dominguez.
Ngayong aprubado na ng Presidente ang pag-import ng bigas, tiyak na mga ilang araw pa at dadagsa na ang saku-sakong bigas na galing sa ibang bansa, gaya ng Thailand, Vietnam at China. Mamumutiktik sa imported na bigas at hindi na makakakita ng mga pumipila para lamang makabili ng NFA rice gaya nang naranasan noong Agosto at Setyembre na ang kilo ng bigas ay umabot sa mahigit P60.
Sa pagbaha ng imported rice, ang magiging kawawa rito ay ang local na magsasaka. Baka mawalan sila ng kita sapagkat kung mura ang imported rice, hindi bibilhin ang local na bigas. Mapipilitang ibaba rin ang kanilang presyo at lugi na sila. Hindi sasapat ang kita sa ginamit na insecticide at fertilizer. Kailangang maprotektahan ang mga local na magsasaka.
Kung bumabaha na ang bigas, huwag namang itigil ang pagpapaunlad sa mga sakahan at suportahan pa ang magsasaka para makapag-prodyus nang maraming ani. Patuloy na gumawa ng mga irigasyon, mag-provide ng mga mabubuting binhi para sa mga magsasaka. Hindi dapat magdepende sa imported rice sa habampanahon.
- Latest