EDITORYAL - ‘Mambubutas’
MARAMING batikos na tinanggap si ACTS OFW Rep. Aniceto Bertiz III dahil sa hindi magandang asal na ipinakita nito sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 2 noong Sabado. Hindi nag-alis ng sapatos si Bertiz bilang bahagi ng security check at sa halip ay pinagduldulan sa mukha ng isang lalaking security personnel ang kanyang identification na nagsasabing siya ay isang mambabatas. Pagkaraang iduldol ang ID, hinaklit niya ang ID ng security at kinunan umano ng picture. Pagkaraan ay tinawagan nito si Ed Monreal, general manager ng Manila International Airport at pinasisibak ang security personnel.
Sabi naman ni Bertiz, mali ang mga lumabas na report. Inedit na raw ang video. Ang totoo raw, sinita niya ang security personnel dahil mayroon daw mga inieskortan na mga Chinese na hindi naman dumadaan sa security check. Tinanong daw niya ito kung bakit hindi tsinek ang mga ito. Bakit daw hindi gaanong nag-searched?
Mahigpit na pinatutupad sa NAIA na ang lahat nang papaalis na mga pasahero ay kailangang hubarin ang sapatos at idaan ito sa x-ray machines. Bahagi ito ng security procedures. Tanging ang Presidente ng Pilipinas ang hindi dumadaan sa ganitong procedures.
Nag-sorry na kahapon si Bertiz pero patuloy pa rin ang pagbaha ng mga batikos sa kanya sa social media. May nagsabi na taumbayan ang nagpapasuweldo sa kanya kaya hindi dapat umakyat sa ulo ang yabang niya.
Maraming beses nang nasangkot sa kontrobersiya si Bertiz. Kamakailan, binatikos siya dahil sa pagsasabing hindi iisyuhan ng PRC ID ang mga nakapasa sa engineering board na hindi kilala si Special Assistant to the President Bong Go. Nagkaroon din siya ng kontrobersiya sa Hong Kong makaraang makipagtalo sa aiport doon.
Dapat sa katulad ni Bertiz ay nagpapakita ng halimbawa dahil inihalal siya ng taumbayan. Utang niya sa taumbayan kaya siya nasa puwesto. Hindi lang naman siya ngayon nakatuntong sa airport kaya alam niya na ang procedures na inaalis ang sapatos para sa security check. Dapat sumunod siya sa batas.
Hindi kailangan ng taumbayan ang katulad niyang “mambubutas”.
- Latest