MARAMI nang ipagbabawal sa Boracay sa pagbukas muli ng island resort sa Oktubre. Hindi na puwede ang mga lasingan at beach party sa puting buhangin; ni paninigarilyo ay hindi pahihintulutan. Hindi na papayagan ang pagtayo ng restoran o bar, hotel o dormitoryo, eskuwelahan, simbahan, tourist shops, atbp. kung saan-saan; lahat ay planado na. Lilimitahan ang mga turista at manggagawa sa hanggang kaya lang ng isla na wastong kalikasan, kalusugan, at kalinisan.
At tama lang. Dapat nakabatay lahat sa “sustainability.” Ibig sabihin, sa pangmatagalang buhay ng isla hindi basta para pasyalan ng turista, kundi pook ng gubat at dagat na may halaman at hayop, malinis na hangin at tubig, at masaganang natural na estado.
Ganundin sana sa lahat ng iba pang resorts sa Pilipinas. Lahat ng probinsiya ngayon ay may pasyalang bundok o gubat, isla o dagat, ilog o distrito. Dinadayo sila ng mga lokal at dayuhan dahil sa katangi-tanging tanawin, karanasan, kasaysayan, pagkain, at kaugalian. Pero tulad ng Boracay nalalaspag sila dahil sa pagkaganid sa tubo at kapabayaan ng mga negosyante at pinuno roon.
Lahat halos ng tourist areas ay primitibo ang sewerage; binubulwak lang ang dumi ng kubeta at kusina sa bukas na kanal o sa batis at dagat. Naglipana ang maingay at mauusok na sasakyan. Hindi iniinspeksiyon ng health, sanitary, at safety officers ang mga lutuan at kasilyas, kuwarto at pasilidad. Nagkalat ang basura, lalo na plastik na non-biodegradable. Kung saan at ano ang naisin, ginagawa nang walang pakundangan sa iba at sa kinabukasan.
Hindi na kailangan pang ilista rito ang mga nakakasuklam nang mga pasyalan. Sapat nang hindi na sila gaano pinupuntahan. At maglalaho sila kung hindi baguhin ang palakad -- tulad ng paglinis sa Boracay.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).