EDITORYAL - Tax sa gasolina, alisin muna
NGAYONG linggong ito ay may pagtaas na naman umano sa presyo ng mga produktong petrolyo. Ito na ang ikapitong sunud-sunod na pagtataas mula pa noong Agosto. Linggu-linggo na ang pagtataas ng gasolina, diesel at kerosene. Noong nakaraang linggo, nagtaas ng 50 sentimos sa gasolina at 15 sentimos sa diesel samantalang 20 sentimos sa kerosene.
Tumaas umano ang presyo ng crude oil sa world market. Sa kasalukuyan, $79 na ang bawat bariles ng krudo. Isa pa raw dahilan ay sapagkat mahina ang peso laban sa dollar na ngayon ay P54.00 bawat $1.
Kapag nagtaas na naman ngayong linggo ang petrolyo, lumpo na naman ang mahihirap na mamamayan. Sa bawat increase ng gasolina, diesel at kerosene, dagdag-taas din ito sa mga pangunahing pangangailangan ng mamamayan. Ang presyo ng gasolina at diesel ang batayan para tumaas din ang presyo ng bigas, sardinas, mantika, kape, gatas, asukal, isda, gulay at iba pang produkto. Gumagamit ng gasolina at diesel sa pagdeliber ng mga paninda kaya ipapasa rito ang gastos.
Kapag nagtaas ngayong linggo ang gasolina, maaaring humingi na uli ng dagdag na pasahe ang transport group. Posibleng gawing P10 ang minimum na pasahe. Sa kasalukuyan, P9 ang pamasahe sa dyipni.
Nagkakaroon ng chain reaction kapag tumaas ang presyo ng petroleum products. At walang ibang kawawa kundi ang mamamayan. Wala nang mabili ang kanilang karampot na suweldo dahil sa taas ng bilihin. Noong Agosto, tumaas ng 6.4 percent ang inflation rate. Saan hahantong ang ganitong nararanasan ng mamamayan? Wala na bang iniisip ang pamahalaan para mapigilan ang sunud-sunod na pagtaas ng gasolina? Maawa naman sa mamamayan lalo na sa mga isang kahig, isang tuka. Isang paraan para mapababa ang presyo ng mga bilihin ay ang pagsuspende sa ipinapataw na tax sa petroleum products. Itigil muna ito para naman mabawasan ang pasanin ng mamamayan. Bawiin sa iba pang produkto ang kinikitang tax sa petrolyo. Halimbawa, taasan pa ang ipinapataw na tax sa sigarilyo at alak. Kapag nakabawi na ang bansa, saka ibalik ang tax sa gas. Gawin sana ito ng pamahalaan.
- Latest