MAHILIG tayong magpalit ng kung anu-ano, na wala naman talagang dahilan para palitan. Katulad na lang ng pera. Naglabasan na ang bagong serye ng mga barya, na nagiging sanhi na ng kalituhan. Halos lahat ng alam kong nagsusukli sa akin ay ilang beses tinitingnan kung tama ang ibinibigay. Iisang kulay na kasi ang sampu, lima, piso, beinte-singko, diyes, singko at isang sentimo. Hindi tulad ng lumang barya kung saan alam mo kaagad kung sampung piso, limang piso at piso, pati na rin ang beinte-singko, diyes at singko, dahil sa kani-kanilang mga kulay at katangian. Alam ko kaagad na singko sentimos dahil sa butas. Ngayon, kailangan mo talagang tingnan nang mabuti, lalo na’t hindi pa naglalabas ang Bangko Sentral ng utos na ipawalang-halaga na ang lumang serye ng barya. Ang perang papel naman ay ilang beses na ring nagpapalit. Mga bansa tulad ng Amerika at Hong Kong ay halos hindi nagpapalit ng pera, kahit ilang siglo na. Ang nababago lang ay ang “security features” ng mga ito para mahirapan ang mga gumagawa ng pekeng pera.
Ganun din ang pangalan ng mga kalsada. Kung matagal ka nang hindi nakakabalik ng bansa, at nagpapahatid ka sa Buendia, kung medyo bata ang drayber ng sasakyan mo ay baka hindi alam kung saan ka ihahatid. Gil Puyat na ang pangalan nito. Ang mga mas nakatatanda sa atin ay maaalala pa ang Dewey Blvd., Herran, Highway 54, Isaac Peral, Calle Azcarraga at Jose Rizal Blvd. Alam ba ninyo ang mga bagong pangalan ng mga ito?
At ngayon, gustong palitan ni Senate President Sotto ang huling linya ng ating Pambansang Awit, “Lupang Hinirang”. Ayon sa kanya, ang linyang “Ang mamatay ay dahil sa iyo” ay tila ipinalalabas na talunan ang Pilipino. Palitan daw ng mas positibong linya. Siyempre, may mungkahi siya kung ano ang ipapalit. Isangdaan dalawampu’t taon nang inaawit ng Pilipino ang inilikha ni Julian Feipe. Bakit kailangang palitan? At hindi ba’t walang mas hihigit pa at mas madangal na sakripisyo ang mamatay para sa bayan? Isinulat ni Julian Felipe ang awit sa panahon na bagung-bago pa lang ang kalayaan ng bansa, kaya ang bawat linya ay may makadamdaming kahulugan. May kasabihan na kung hindi sira ang isang bagay, huwag ayusin.