NAPURUHAN ng Bagyong Ompong ang bansa. Higit kalahati ng Luzon ang naapektuhan ng bagyo. Deretsong tinamaan ang Cagayan, kung saan maraming nabuwal at nilipad ng malakas na hangin, at malawak ang nawalan ng kuryente. Ang bayan ng Baggao ang unang tinamaan sa bansa, kaya malaki ang pinsalang natamo. Bukod sa mga tahanan, ang mga pananim ay nasira rin dahil sa lakas ng hangin.
Pero ang pagguho ng lupa sa Itogon, Benguet ang pinakamasamang nangyari. Habang sinusulat ito, mahigit 80 na ang patay at marami pa ang nawawala. Patuloy pa ang paghahanap sa mga biktima, pero malinaw na hindi handa at kulang ang kakayanan ng gobyerno sa ganitong uri ng kalamidad. Inaalam din ng DILG kung bakit hindi pilit ilikas ng lokal na pamahalaan ang mga residenteng nakatira sa peligrosong lugar, kung alam na may malakas na bagyong parating. Hindi sapat ang masabihan sila. Kung ayaw umalis, pilit alisin at ilagay sa ligtas na lugar.
Sampung mayor din mula sa Cagayan at Cordillera ang iniimbestigahan ng DILG dahil “missing in action” noong nananalasa ang bagyo. Baka makasuhan sila ng kapabayaan kung mapatunayang wala nga sa kanilang lugar para pamunuan ang tulong, pagligtas at pagbigay ng unang lunas sa mga nangangailangan. Ayon sa PAGASA, baka mga limang bagyo pa ang tatama sa bansa bago matapos ang taon. Sana wala nang katulad ni Ompong.
Ipinatigil na rin ang small-scale mining sa Cordillera, na sanhi umano ng pagguho ng lupa. Kailangan talagang gawin iyan, kung ganito naman ang kapalit ng pagmimina ng lugar. Malungkot at kailangang may maganap na trahedya at kalamidad, bago kumilos. Kailangang matuto na ang lahat ng lokal na pamahalaan, na kapag may malakas na bagyong parating, kailangang ilikas na, sa ayaw man o hindi, ang mga naninirahan sa peligrosong lugar. At para sa mga nawawalang opisyal sa panahon ng kalamidad, dapat mawala na rin sila sa posisyon.