EDITORYAL - Mayors, kukuya-kuyakoy habang bumabagyo

SAMPUNG mayor mula sa Cagayan Valley at Cordillera Administrative Region (CAR) ang maaaring masibak sa puwesto kapag napatuna­yang nagpabaya sa kanilang constituents habang nananalasa ang Bagyong Ompong noong Sabado. Hindi nakita o “missing in action” ang 10 mayor habang binabayo ng bagyo ang nasasakupang lugar. Hindi raw nagpatupad ng preemptive at forced evacuations sa mga residente ang mga mayor.

Ayon sa Department of Interior and Local Go­vernment (DILG) pinag-aaralan na umano nila ang performance ng 10 mayor na hindi sumunod sa mo­dule ng departamento kaugnay sa preemptive evacuations. Ayon sa DILG marami umano silang natanggap na report na patulug-tulog ang mga mayor at walang ginagawang hakbang para mailikas ang mga maaapektuhang residente. Habang ang iba raw mayor sa katabing bayan ay handang-handa at nadala na sa evacuation centers ang constituents, ang mga mayor sa 10 bayan ay hindi makita ang anino.

Ayon sa DILG, mayroon silang module na “Oplan Listo” na pinamamahagi sa mga mayor para maging gabay ng mga ito kapag may tumatamang kalamidad gaya ng bagyo o lindol. Kapag natukoy na raw nila ang mga mayor na nagpabaya at pakuya-kuyakoy habang nananalasa ang Bagyong Ompong, padadalhan nila ng show cause order.  Kapag napatunayan ang kanilang pagpapabaya, masususpinde o masisibak sila sa puwesto. Hindi raw muna ihahayag ng DILG ang pangalan ng mga mayor na nagpabaya sa kanilang nasasakupan.

Dapat ihayag na ang pangalan ng mga mayor para naman makilala na sila. Para ano pa at itatago ang kanilang pagkakakilanlan? Kaya pala mayroong mga residente sa isang bayan na grabeng hinagupit ng bagyo ang nagrereklamo na wala man lang dumarating sa kanilang tulong kahit 24-oras nang nakaraan ang bagyo. Ni isang cup daw ng noodles ay wala man lang maibigay sa kanila. Kung kailan daw kailangan ang mga pinuno ng bayan­ ay saka naman wala ang mga ito. Halos mangiyak-ngiyak ang mga residente sapagkat nawasak ang kanilang mga bahay at ari-arian.

Kailangang maimbestigahan ang mga pabayang mayor at agad silang kasuhan at nang masibak na sa puwesto. Hindi sila karapat-dapat sa puwesto na habang humahagupit ang bagyo sa nasasakupan, sila ay prenteng-prente sa palasyong tahanan.

Show comments