GRABENG tinamaan ng Bagyong Ompong ang probinsiya ng Cagayan. Tinumbok ng hangin na may lakas na 205 kph ang mga bayan ng Baggao, Alcala, Lal-lo, Gattaran at Lasam. Pinakagrabe ang pinsala sa Baggao kung saan ang mata ng bagyo ay tumama noong Sabado ng madaling araw. Maraming bahay ang nawasak at halos lahat nang pananim ay nasira sa nasabing bayan. Walang mapapakinabangan sa mga tanim na palay at mais. Maraming puno ang tumumba sa mga kalsada kaya walang madaanan ang mga sasakyan. Walang kuryente at komunikasyon sapagkat tumumba ang mga poste.
Nasa state of calamity ang Cagayan dahil sa grabeng pinsala. Sa kalagayang ito, nararapat ang mabilisang aksiyon sa pag-rehabilitate sa mga lugar na grabeng napinsala. Lubhang kaawa-awa ang mga residente na sa isang iglap ay nawalan ng tirahan at sa mga evacuation center na namamalagi. Hindi nila alam kung hanggang kailan sila mananatili sa evacuation centers.
Sa Baggao, maraming residente ang nagsasabing hindi nakararating ang tulong ng gobyerno. Ayon sa report, 24 oras na mula nang tumama si Ompong sa lugar, wala pang mga tauhan ng gobyerno ang dumadalaw sa mga naapektuhang residente. Kahit isa raw ay wala man lang nagdadala ng tulong. Ni isang cup ng instant noodles ay wala man lang namahagi. Kung kailan daw nila kailangan ang tulong ay saka walang dumarating. Mabagal umano ang pamahalaan sa pagresponde sa mga biktima ng bagyo. Marami ang humihingi ng tulong.
Sinabi naman ni President Duterte sa publiko noong Linggo na handang-handa ang gobyerno sa pagtulong sa mga naapektuhan ng bagyo. Nagtungo ang Presidente sa Tuguegarao City noong Linggo para alamin ang naging pinsala ng bagyo. Pagkaraang bisitahin ang Cagayan, ang Ilocos Norte naman ang binisita niya. Malaki rin ang pinsala sa Ilocos Norte.
Agarang tulong ang dapat sa mga biktima ng bagyo. Sa ganitong sitwasyon dapat ay nakaalalay ang pamahalaan. Ipag-utos din ng Presidente na bantayan ang mga presyo ng bilihin sa lugar. Baka pagsamantalahan pa ang mga biktima ng mga ganid na negosyante. Binagyo na nga ay pagsasamantalahan pa.