EDITORYAL - Matuto sa mga nakaraang bagyo
Ang Bagyong Ompong ang pinakamalakas sa mga bagyong tumama sa bansa ngayong taon. May lakas na 205 kilometers per hour (kph) at may pagbugso na 255 kph. Ayon sa PAGASA, maaaring umabot sa 220 kph ang lakas ni Ompong. Nasa kategoryang super typhoon si Ompong na mas malakas pa umano sa Bagyong Yolanda na tumama sa Kabisayaan.
Tinutumbok ni Ompong ang Northern Luzon. Bukas, inaasahang magla-landfall ito sa Northern Cagayan at Batanes.
Sinuspende na ang pasok sa mga eskuwelahan at trabaho sa mga probinsiyang maaapektuhan ng bagyo. Inani na rin ang mga palay at lahat ng mga gulay sa Isabela, Mountain Province, Ilocos, Pangasinan at iba pang probinsiya na maaapektuhan ng bagyo. Dahil sa lawak ng dadaanan ng bagyo, sinuspende na rin ang klase sa ilang probinsiya sa Central Luzon at maging sa Metro Manila.
Kailangang paghandaan ang bagyong ito. Ngayong malinaw kung saang lugar ito tatama, dapat maging preparado ang lahat. Ilang araw nang iniaanunsiyo ng PAGASA, na malakas ang paparating na bagyo kaya kailangang maging handa sa pagtama nito. Ayon sa PAGASA, maaaring kasinglakas ng Bagyong Ompong ang bagyong tumama sa Japan noong nakaraang linggo na umabot sa 30 katao ang namatay. Nakapaghanda ang Japan sa bagyo pero marami pa rin ang namatay.
Marami nang nanalasang bagyo sa bansa kung Setyembre at pawang malalakas. Ang Bagyong Ondoy ay nanalasa noong Setyembre 2009 na marami ang namatay dahil sa idinulot na baha. Marami ang hindi nakapaghanda kaya marami ang nanatili sa bubong ng kanilang bahay.
Ang Bagyong Milenyo ay nanalasa noong Setyembre 2006 na nag-iwan din ng pinsala. Hindi rin nakapaghanda ang marami sa bagyong ito.
Taun-taon, tinatayang 20 bagyo o mahigit pa ang tumatama sa bansa. Pero sa kabila nito, marami pa rin ang hindi preparado. Marami pa ring matitigas ang ulo na kahit pinalilikas na ay ayaw pang iwan ang bahay at ari-arian. Dapat matuto na sa mga nakaraang bagyo. Sumunod sa awtoridad kapag pinalilikas o magkusa na lamang para makaiwas sa trahedya. Huwag isakripisyo ang buhay sa nagngangalit na unos.
- Latest