NAGKALAT ang mga batang palaboy sa Metro Manila ngayon. Kahit saang lugar, makakakita ng mga batang namamalimos, may umaakyat sa dyipni at nag-aabot ng sobre, may kumakatok sa mga bintana ng kotse, mayroong nagtatambol habang nasa estribo ng dyipni at kung anu-ano pang pinaggagawa na tila hindi na magandang tingnan.
Ang nakakaalarma, kapag hindi nalimusan o nabigyan ng pagkain ang mga batang ito, nagiging bayolente na. At dahil marami sila, kinukuyog ang mga ayaw magbigay ng pagkain o pera. Pinagtutulungang suntukin at sabunutan ang mga ayaw magbigay sa kanila.
Naging viral sa social media ang nangya-ring pagsugod ng mga batang palaboy sa mga pasahero ng isang dyipni noong Lunes. Nakita na pinagkalipumpunan ng mga batang palaboy ang natrapik na dyipni. Mayroon silang kasagutang pasahero sa loob ng dyipni. Maya-maya pa, isang dalagita ang nagtungo sa gilid ng dyipni at sinabunutan ang isang pasahero at saka tumakbo. Nagtakbuhan din ang iba pang mga batang pa-laboy palayo sa dyipni. Nangyari ang insidente sa Macapagal Avenue sa Pasay City.
Noong nakaraang linggo, isang grupo rin ng mga batang palaboy ang nakunan ng netizen habang kinukuyog ang isang jeepney driver sa Finance Road, Maynila. Ilang sandali pa at natangay na ng mga bata ang bag ng driver na naglalaman ng kinita nito. Pero mabilis na hinabol ng driver ang mga bata at nabawi ang ninakaw.
Marami ring batang palaboy ang umaakyat sa mga truck na nagbibiyahe ng gulay at prutas at ninanakaw ang mga ito. Ganundin ang mga 10-wheeler truck na ang puntirya ay ang mga tools at iba pang gamit na mapapakinabangan.
Sa kabila na nag-viral na ang mga ginagawa ng mga batang palaboy o “batang hamog”, wala namang ginagawang hakbang ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) at local government unit para masawata ang mga bata. Dapat tulungan ang mga batang palaboy at DSWD ang manguna rito. Kailangan din ang tulong ng PNP at barangay para mapigilan ang mga bata na maging marahas.