MGA karaniwan at mahihirap na mamamayan ang umaaray ngayon dahil sa pagtaas ng mga bilihin. Kakaunti na kasi ang nabibili ng kanilang suweldo. Kahapon, inanunsyo ng Department of Trade and Industry (DTI) na magdadagdag ng suggested retail price (SRP) sa ilang brand ng sardinas. Madadagdagan ng 50 sentimos ang kasalukuyang presyo ng ilang brand ng sardinas samantalang ang iba ay 25 sentimos. Pero sabi ng DTI huwag mag-alala ang mamamayan dahil ilang brand lang ng sardinas ang nagtaas. Ang iba pang produkto ay parehas pa rin ang presyo.
Madali lang sabihin na huwag mag-alala pero ngayong damang-dama na ang walang puknat na pagtaas ng mga pangunahing pangangailangan, maraming mahihirap ang nangangamba na wala nang mabibili ang kakarampot na suweldo. Pati ang bigas na pangunahing kailangan ng mamamayan, grabe na ang taas presyo. Ang masaklap, mataas na nga ay kulang pa ang suplay nito. Maraming lugar ang sinasabing may krisis sa bigas bagamat sabi ng pamahalaan, walang krisis. Mga rice hoarders umano ang dahilan kaya mataas ang presyo ng pangunahing pagkain sa bansa.
Tumaas ang inflation rate noong Agosto na pumalo sa 6.4 percent ayon sa Philippine Statistics Authority. Ito umano ang pinakamataas sa mahigit siyam na taon. Dahil sa inflation, kakaunti na lamang ang nabibili ng suweldo. Hindi na sapat para sa mga karaniwang mamamayan.
Ang pagtaas ng bilihin ay isinisisi sa ipinatupad na Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law na pinatupad noong Enero. Dahil sa TRAIN, mataas ang ipinataw na buwis sa maraming produkto kabilang ang petroleum products. Nagkasunud-sunod ang oil price increase. Kamakalawa, nagtaas nang mahigit P1.00 ang gasoline at diesel. Apat na linggo nang sunud-sunod ang pagtaas. Apektado ang lahat sa oil price increase dahil sa pagdedeliber ng produkto.
Solusyunan ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin para naman mabawasan ang pasanin. Isa sa mga paraan ay ang pagdadagdag ng suweldo ng mga manggagawa o kaya’y suspendihin muna ang tax sa petroleum products. Gawin ito para mapagaan ang buhay ng mga mahihirap.