Napag-iiwanan sa modernisasyon

SUMADSAD ang BRP Gregorio Del Pilar sa Hasa-Hasa Shoal noong nakaraang Miyerkules. Ang Hasa-Hasa ay malapit sa Spratlys kung saan mainit ang pag-aangkin ng mga isla. Natanggal na rin ang barko noong Lunes ng hapon.

Pero bakit sumadsad ang barko? Hindi ba namala­yan ng kapitan na malapit na sa isang shoal, na maba­baw na nga? Mali na ba ang mga mapa ng Navy, kaya hindi nala­man na malapit na sa shoal? Kulang ba ang kagamitan ng barko para makita ang mapa ng ilalim ng karagatan o “oceanographic charts”, na mababaw na nga? Gaano kalaki ang danyos sa barko? Dapat maim­bestigahan ang insidenteng ito ng Philippine Navy. Kung sumasadsad ang mga barko sa ibabaw ng karagatan, paano pa kaya ang submarine na nais mabili ng Philippine Navy? Baka dapat mga malakas na barkong pandigma muna ang mabili bago ang submarine.

Ito nga ang opinyon ng ilang nakausap ko. Mga hindi naman militar, pero mahilig magbasa ng anumang may kinalaman sa militar. Dapat mapalakas na muna ang tina­tawag na “surface ships”, bago mag-isip bumili ng submarine. Mahaba ang baybayin ng bansa, at mara­ming karagatan sa pagitan ng mga isla na dapat din mabantayan nang mabuti kontra terorismo at kriminalidad. Kaya kasama rin dapat sa modernisasyon ang ating Coast Guard. Ngayon lang nga raw nakakahawak ang ating Navy ng malalaki at modernong barko, kaya dapat masanay na muna sila. Ang BRP Gregorio Del Pilar ay dating barko ng US Coast Guard, ang pinakamalaki sa kanilang armada. Ang dalawang frigates mula South Korea ay sa 2020 pa makukuha, kaya masinsinan din dapat ang pagsasanay ng mga tauhan nito. Ito na ang magi­ging pinakamodernong barkong pandigma ng Navy.

Masarap mangarap. Masarap mangarap ng magagandang kagamitan para sa ating Philippine Navy. Sino ang may ayaw ng malakas na Navy? Sa totoo lang, hindi lang ang Navy kundi pati na rin ang Army, Air Force at Marines. Matagal na ring nahuhuli sa modernisasyon sa Timog-Silangang Asya. Pero isipin nang mabuti kung ano ang tunay na kailangan ng Navy, pati na rin ang ibang sangay ng armed forces. Sigurado ako na marami sa Navy ang may gusto ng submarine. Pero masanay na muna sa mga modernong barkong pandigma, bago ang submarine. At hindi mura ang submarine pati ang mga kagamitan para mapatakbo nang maayos. 

Show comments