EDITORYAL - Plastic ban sa Boracay
NATUTO na ang local government ng Malay, Aklan sapagkat ipagbabawal na sa kanilang lugar ang lahat nang plastic na lalagyan ng pagkain, inumin, at iba pang disposable plastic items, lalung-lalo na sa isla ng Boracay. Ang sikat na tourist destination ay sakop ng munisipalidad ng Malay. Sa ilalim ng Municipal Ordinance 386, mahigpit nang ipinagbabawal ang mga disposable plastic items na gamitin ng hotels, resorts, restaurants at business establishments.
Ang ordinansa ay sinuportahan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR). Ayon sa DENR magandang hakbang ang ginawa ng munisipalidad ng Malay sa pagbabawal ng mga disposable plastic. Malaking tulong umano ang ordinansa para tuluyang mawala ang mga basurang plastic na isa sa mga pangunahing problema ng munisipalidad lalo pa nga sa isla ng Boracay. Karamihan sa mga basurang plastic ay humahantong sa isla sapagkat tinatangay ng alon. Hindi lamang umano sa karagatan problema ang mga plastic kundi pati na rin sa kapatagan na nagbibigay nang hindi magandang tanawin. Maraming basura ang nagkalat sa Boracay noong hindi pa ito isinasara noong Abril.
Bubuksan ang Boracay sa susunod na buwan at inaasahang malinis na malinis na ito. Marami na ring bawal ngayon sa isla para mapangalagaan ang kalinisan. Hindi na uubra ang mga matitigas ang ulong may-ari ng resorts at restaurants na nagtatapon ng kanilang dumi sa dagat. Sabi ni President Duterte, “cesspool” ang Boracay. Ibig sabihin, poso negro ang karagatan ng Boracay. Dito nagsimula kaya ipinasara ng Presidente ang sikat na island resort.
Dapat namang tularan ng ibang LGUs ang ginawa ng Malay na pinagbawal ang mga disposable plastic items. Malaking tulong ang ganito para mabawasan ang mga basura na sumisira sa kapaligiran at kalikasan. Tularan ito ng iba pang tourist destination sa bansa gaya ng Puerto Galera sa Oriental Mindoro na marumi na rin ang karagatan dahil sa kapabayaan at paghahangad sa kita lamang.
- Latest