Pobreng heredera
(Huling bahagi)
NANG madiskubre ni Maya na dinidispalko ng mga kapatid sa ama ang kanyang mga ari-arian ay nagpatulong na siya sa kanyang pinsan sa ina na si Sarah. Inamin ni Maya sa pinsan na nakatira lang siya sa silong ng bahay na tinitirhan nila, may maliit na bumbilya, walang maayos na banyo at binibigyan lamang siya ng sustento na ?400 kada araw. Dinala ni Sarah sa mga doktor si Maya para suriin at napag-alaman na may tuberculosis, rheumatism at diabetes ito bukod pa sa sari-saring komplikasyon na dinulot ng sakit.
Hiningi ni Sarah sa mga kapatid ni Maya na magkaroon ng imbentaryo ng mga ari-arian nito pero hindi sumunod ang mga ito. Kaya nagsampa na si Sarah ng petisyon sa korte upang italaga siyang legal na tagapangalaga ni Maya dahil daw mahina ang pag-iisip nito at walang kakayahang pamahalaan ang sarili at mga ari-arian.
Nilabanan siya ng mga kapatid ni Maya at sinabing wala itong problema sa utak. Legal daw at may bisa ang mga ginawa ni Maya patungkol sa kanyang mga minanang ari-arian. Hindi raw matatanggap na ebidensiya ang ulat ng mga doctor na sumuri kay Maya dahil hindi naman sila eksperto sa psychiatry. Tama ba sila?
Sabi ng Regional Trial Court, walang kakayahan si Maya na pangalagaan ang sarili at kanyang mga ari-arian na walang katulong na iba dahil na rin sa samu’t saring sakit at mahinang pag-iisip nito. Kinatigan din ng Court of Appeals ang desisyon ng mababang hukuman kaya umapela hanggang sa Supreme Court ang mga kapatid ni Maya base sa kanilang naunang katwiran.
Hindi rin tinanggap ng SC ang kanilang apela. Ayon sa SC, maaaring magbigay ng opinyon ang isang ordinaryong testigo tungkol sa katinuan ng isang taong kanyang kakilala base sa batas. Nakausap at nakasama siya ng kanyang mga doktor at sa ganitong paraan ay nagkaroon sila ng pagkakataong obserbahan si Maya kaya nasabi nilang mas mababa pa sa normal na antas ang kanyang pag-iisip. Ayon sa SC, ang opinyon ng mga doktor ay katanggap-tanggap bilang ebidensiya.
Kung ang katinuan ng tao ang isyu, hindi na kailangan ang ekspertong opinyon. Ang mga obserbasyon ng hukom kasama ng ebidensiyang inihain sa korte ay sapat na. Tama lang na italaga bilang guardian ni Maya si Sarah ayon sa SC. Dapat din na gumawa ng tapat na pagtutuos kay Sarah ng mga pera at ari-ariang nilustay ng mga kapatid ni Maya. (Hernandez et. al. vs. Santos, G.R. 166470 and 169217, August 7, 2009).
- Latest