(Unang bahagi)
ANG isang menor de edad ay walang kakayahan na umaksyon na may epektong legal, Dapat sila umaksyon sa pamamagitan ng isang itinalagang tagapangalaga. Ang isang menor de edad ay wala pa sa 21 anyos samantalang ang tinatawag na taong walang kakayahan kumilos ng mag-isa ayon sa batas ay maaring mahigit 21 anyos na pero walang kakayahan na pangalagaan ang sarili at ang kanyang mga ari-arian dahil sa sakit, mahinang pag-iisip o anumang katulad na sirkumstansiya. Paano ba natin mapapatunayan ang kawalan ng kakayahan ng isang tao. Kailangan pa kayang kunin ang opinyon ng isang eksperto? Ito ang mga tanong na sasagutin sa kaso ni Maya.
Maagang naulila sa ina si Maya. Namatay ang nanay niya habang siya’y pinapanganak at nang maiwan siya sa kanyang tatay ay mas pinili ng tatay niyang ipagkatiwala ang pangangalaga sa kanya sa tiyuhin niya sa ina. Nung mag-apat na taon si Maya ay nag-asawa muli ang kanyang ama at nagkaroon ng tatlo pang anak na sina George, Sally at Annie.
Nang mag-sampung taong gulang, muling pumisan si Maya sa pamilya ng ama. Namatay na kasi ang tiyuhin na nagpalaki sa kanya. Ipinamana sa kanya ang maraming lupain mula sa angkan ng ina at siya ang ginawang nag-iisang tagapagmana ng tiyuhin. Nang tumuntong sa edad na 21 ay binigay na sa kanya ang lahat ng kayamanan pero ang tatay pa rin niya ang namamahala dahil daw hindi nakatapos ng pag-aaral si Maya. Grade 5 lang ang inabot niya dahil lagi siyang nanggugulo.
Nagawang ipalipat ng ama ni Maya ang isang 11 ektaryang lupa ni Maya sa kanyang pangalan noong ang mga ari-arian ni Maya ay nasa pamamahala nito. Pinalabas ng kanyang ama na binili nito ang lupa at ginawang itong subdivision. Nang mamatay ang ama, 36 anyos si Maya pero ang mga kapatid niya sa ama ang sumunod na namahala ng kanyang mga ari-arian. Sinabi sa kanya ni Sally na nililitis sa korte ang 11 ektaryang lupa at kailangan niyang pirmahan ang isang special power of attorney (SPA) para pahintulutan si Sally na humarap sa korte. Pinirmahan niya ang dokumento nang hindi nalalamang ito pala ay nagbibigay ng awtorisasyon kay Sally para ibenta ang lupa. Si George naman ay hinimok si Maya na paupahan ang isang 45 ektaryang lupa niya para daw maibili siya ng kotse at mabigyan ng driver. (Itutuloy)