ANG rice hoarders ang itinuturong dahilan kaya mataas ang presyo ng bigas sa bansa. Hindi lamang sa Metro Manila mataas ang presyo kundi pati na rin sa mga probinsiya. Nagkaroon ng rice crisis sa Zamboanga at hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa nagnonormal ang kalagayan doon pero sabi ng Department of Agriculture (DA), nagsisimula nang mag-stabilize ang supply.
Noon pang Enero 2018 nagsimulang tumaas ang presyo ng bigas at hanggang ngayon, patuloy pa rin ang pagtaas. Sa kasalukuyan, umaabot na sa P43 hanggang P45 ang kilo ng bigas at grabeng naaapektuhan ang mga kakarampot ang kinikita. Sa ilang lugar sa Mindanao, may report na umaabot sa P60 ang kilo ng bigas. Ang tanong ng marami, nasaan na raw ang bultu-bultong bigas na inangkat sa Thailand? Bakit wala silang mabili? Paano raw sila kakain?
Walong buwan nang mataas ang presyo ng bigas at tila walang hakbang ang DA para mapigilan ito. Sabi ni Agriculture Sec. Emmanuel Piñol, ang market manipulators ang dapat sisihin sa pagtaas ng presyo kaya dapat daw arestuhin ang mga ito.
Rice hoarders ang dahilan kaya mataas ang bigas. Maraming gahamang negosyante ang nagtatago ng bigas kaya nagkukulang ang supply. At dahil itinatago, nagmamahal ang presyo. Ang mga rice hoarders ang dapat hulihin at parusahan.
Sa SONA ni President Duterte noong Hulyo, sinabi niyang kilala niya ang mga rice hoarders at cartels. Kilala rin umano niya ang mga protector nito.
Babala niya sa mga ito, huwag pahirapan ang taumbayan. Tigilan na umano ang ginagawang ito na nagiging dahilan nang pagmahal ng bigas. Huwag na raw hintayin pa ng mga ito na bumagsak ang bigat ng batas.
Kung nagawa ng Presidente na pangalanan ang mga pulitikong sangkot sa bentahan ng shabu, bakit hindi niya pangalanan ang mga nagho-hoard ng bigas at mga may cartel. Kung gusto niyang basagin ang mga gahamang negosyante ng bigas, ngayon ang pagkakataon para gawin ito. Hindi na niya dapat patagalin ang pamamayagpag ng rice hoarders na grabeng nagpapahirap sa mamamayan lalo na sa mahihirap.
Ngayon din ang panahon para atasan ng Presidente si Sec. Piñol na paunlarin ang mga sakahan sa Pilipinas. Tulungan ang mga magsasaka sa pamamagitan ng pagpapagawa ng mga irigasyon, pagbili ng mga binhi at pahiramin ng puhunan para sa pagpapaganda ng ani.