KUNG hindi nai-post sa Facebook ang ginawang pagsunog sa mga bag at backpack ng 15 estudyante ng Bicol Central Academy (BCA) sa Libmanan, Camarines Sur noong nakaraang linggo, hindi madidiskubre ang kakaibang pagdisiplina ng administrator ng nasabing pribadong eskuwelahan. Salamat sa isang alumnus ng BCA na nag-post ng video. Nalantad ang maling pagdidisiplina ng administrator sa mga bata. Nakita ang kawalan niya ng kaalaman sa pamumuno ng eskuwelahan. Kahit nagsisi na siya sa ginawa, nakatatak na sa isipan ng mga bata at magulang ang kanyang ginawa. Hindi malilimutan ang kakaibang pagdidisiplina na kanyang ipinalasap sa mga bata.
Dahil nag-viral ang video ng panununog sa mga bag at ang mga hindi magandang pananalita ng administrator na si Alexander James Jaucian, agad kumilos ang Department of Education (DepEd) regional office sa Bicol. Pinagpaliwanag si Jaucian sa pangyayari. Sumulat si Jaucian sa DepEd at inamin ang pagkakamali. Ayon sa kanya, “unorthodox” umano ang pamamaraan niya ng pagdidisiplina sa mga bata.
Ayon sa report, nagalit umano ang administrator nang hindi sumunod ang 15 estudyante sa “no-bag” policy ng school na ipinatutupad sa tinatawag na “Tatsumaki Day”. Ang mga estudyante umano ay naka-business attire kaya hindi dapat magdala ng anumang school bag o kahit na backpacks. Masama raw tingnan na naka-attire pero may mga dalang bag. Pero 15 estudyante ang hindi sumunod sa polisiya dahilan para magmura ang administrator at iniutos na sunugin sa quadrangle ang mga bag at backpack na ang ilan ay may lamang laptop at cell phone. Ayon pa sa report, habang sinusunog ang mga bag, tinawag pang istupido ni Jaucian ang mga estudyante.
Umaksiyon din agad ang board of trustees ng BCA at sinuspende si Jaucian. Wala siyang matatanggap na sahod habang suspendido. Nagsalita na sa harap ng mga magulang si Jaucian at humingi ng tawad. Ang ilang magulang ay tinanggap ang apology ng administrator pero may ilan na hindi matanggap ang ginawa nito at balak nang i-transfer ang anak sa ibang school. May nagpayo naman kay Jaucian na magbitiw na sa puwesto para ganap siyang malimutan ng mga magulang at estudyante. Ito sa aming palagay ang tama niyang gawin.