First aid para sa nerve gas o chemical attack
ANO ang nerve gas? Isa itong uri ng kemikal na nakapipinsala sa tao. Ginagamit ito ng mga terorista para gawing bomba at saktan ang tao.
Maraming klase ng nerve gas tulad ng tear gas at sarin. Ang sarin ang pinakamatinding klase ng nerve gas at nakamamatay. Hinihinalang ginamit ang Sarin sa Syria kung saan marami na ang namatay.
Ang sarin ay walang amoy at walang kulay. Puwede itong likido o parang hangin. Pumapasok ito sa katawan ng tao sa pamamagitan ng paghinga at pagtama sa balat.
Ang sintomas ng exposure sa sarin ay pagluluha, paglalaway, tumutulo ang sipon, nahihirapang huminga at paninigas ng lahat ng masel sa katawan. Kapag matindi ang exposure, umaabot ito sa kombulsyon, pagkaparalisa at pagkamatay.
Heto ang first aid sa nerve gas o sarin exposure:
1. Lumayo sa lugar kung saan nagkaroon ng pagsabog o kung saan nanggaling ang sarin.
2. Umakyat sa mataas na lugar dahil ang sarin ay nananatili sa mababang lugar lamang. Ito ay dahil mas mabigat ang sarin kumpara sa hangin.
3. Tanggalin ang lahat ng suot na damit at ilagay ito sa isang saradong lalagyan. Ibalot sa plastic ng dalawang beses. Alisin din ang medyas.
4. Maligo at magkuskos maigi ng buong katawan gamit ang sabon at tubig. Sa ganitong paraan, mababawasan ang kontaminasyon sa balat.
5. Pagkaligo, tuyuin ang katawan at magsuot ng bathrobe o maluwag na damit.
6. Maghilamos at hugasan ang mata ng 10-15 minuto.
7. Huwag pasukahin ang pasyente. Hayaan na ang doktor na ang magdesisyon nito.
8. Pumunta agad sa ospital para magamot. May antidote o lunas laban sa sarin. Ito ay ang Atropine 2 mg injection (dosis pang-matanda) na binibigay sa ospital. Kailangan itong maibigay kaagad para makontra ang bagsik ng sarin.
9. Sa malalang sitwasyon, kailangang ikabit ang pasyente sa ventilator para makahinga. Ang ospital ay mangangailangan nang maraming oxygen tanks, gamot (Atropine), ambubag at ibang kagamitan.
Bihira lang mangyari ang nerve gas exposure pero dapat tayong maging handa. Ang mga doktor at health workers ay dapat mag-sanay din sa ganitong emergency. Good luck po.
- Latest