ANG desisyon ng CHR na imbestigahan ang pag-aresto at pagsampa ng kaso sa mga abogado ng bar sa Makati ay patunay ng mabigat na implikasyon ng ginawa ng PNP. Hindi biro ang tinatawag na right to counsel. Isa itong haligi sa mga garantiya ng Saligang Batas na due process o tamang pamamaraan ng pagpatupad ng batas. Kapag balewalain, para na ring gumuho ang pundasyon ng ating mga proteksyon laban sa abuso.
Nauna na ang Integrated Bar of the Philippines at mga pangunahing samahan ng mga abogado na nagparinig ng pagkadismaya. Ang Pangalawang Pangulo ay nagpahiwatig din ng hayagang pagtutol. Mga senador, kongresista, mga propesyonal at akademiko – lahat ay nagulat sa pagmamalabis ng kapulisan.
Sa totoo lang, may mga abogadong talaga namang kaiinisan. Mas maingay at matapang sa lasing na pulis. Hindi ba nakailan nang pasaway ang MMDA sa kanilang simpleng traffic enforcement na puro pala abogado ang mga salarin?
Pero sa raid sa Makati, walang ganung nasaksihan. Ang mga nang-arestong pulis lamang ang nagpupumilit na (1) nang-harrass sa kanila ang mga bata at (2) hindi ipinagtapat kung sino ang kanilang kliyente. Kung kaya ang translation daw ay “obstruction of justice” ang kanilang presensya sa bar.
Ang raid ay pinangunahan ng mismong Chief ng NCRPO na si Gen. Guillermo Eleazar. Isang batalyong kapulisan ang bitbit ng bossing, kasama ang media. Walang maniniwala na tataluhin ng tatlong kiming abogado ang buong puwersa ng NCRPO. Malinaw ang kanilang mando – magbabad kayo sa bar habang nagsi-search ang mga pulis upang masigurong walang kabalastugang mangyayari, lalo na ang “planting of evidence”,
Kritikal sa mismong ganitong sitwasyon ang partisipasyon ng iyong abogado. Ang puwersa ng pamahalaan laban sa nag-iisang mamamayan. Kesyo pobre o prinsipe, hindi dapat mangamba. Kapag may batas, para ka na ring may matibay na pader laban sa ano mang pagmamalabis ng namamahala. Kung ika’y nag-iisa, talagang maduduwag ka. Subalit basta may abogado ka, para ka na ring may sariling batalyon na didepensa.
Imbes na ang karapatang ito’y itaguyod ng PNP, ito mismo ang kanilang dinisrespeto sa Makati raid.