PROBLEMA na noon pa ang baha sa Metro Manila. Walang pagbabago at lumulubha pa. Bihira na ang mga lugar na hindi binabaha ngayon. Ngayon, hindi bagyo ang nagpapabaha sa Metro Manila at mga kalapit probinsiya kundi habagat. Noong nakaraang linggo, marami na naman ang binaha at isa sa mga tinamaan na naman ay ang Marikina City.
Mula nang mangyari ang “Ondoy” noong 2009 na lumubog ang Metro Manila, inasahan na marami na ang matututo lalo ang mga taga-Marikina na grabeng sinalanta ng baha. Pero marami pa rin ang hindi natuto nang muling lumubog sa baha ang ilang subdibisyon doon noong nakaraang linggo. May mga bahay na nalubog at maraming kasangkapan, dokumento, damit at iba pang personal na gamit ang tinangay ng baha. Marami ang nasira dahil pinasok ng baha at putik ang mga bahay. Muli na namang nasorpresa ang mga taga-Marikina. Matapos ang baha, nagkalat ang maraming bagay sa kalsada na halos hindi makilala dahil nakabaon sa putik.
Marami ang binalewala ang anunsiyo na dapat lumikas na dahil tumataas na ang ilog. May mga residente na nakatira malapit sa ilog ang nagtungo pa sa mall kahit na malakas na ang buhos ng ulan. Pagbalik nila, lubog na ang kanilang bahay. Mayroon pang iniwan ang maysakit na asawa sa bahay kahit umuulan. Mabuti at naisalba ng rescuers ang asawang maysakit bago tuluyang pinasok ng tubig ang bahay.
Ang tanging naging handa sa nangyari baha sa Marikina ay ang local government units (LGUs) sapagkat maagap silang nakapagbigay babala sa mga residente na kailangang lumikas na ang mga malapit sa ilog. Marami ang lumikas at nagtungo sa evacuatioin centers.
Sa evacuation centers, nakahanda na ang mga modular tents. Naging maayos ang kalagayan ng evacuees sapagkat mayroon silang privacy. Hindi katulad sa ibang evacuation centers na halo-halo ang mga tao at mahirap ang kalagayan.
Ang nangyaring baha dahil sa habagat ay may naituro na sanang leksiyon hindi lamang sa mga taga-Marikina kundi sa lahat. Maging handa na sa susunod sapagkat ang baha ay bahagi na ng buhay-Pinoy. Hindi na makakatakas sa taun-taong pagbaha.