^

PSN Opinyon

‘Pokpok lang ako Sir, may anak na pinakakain’

BAHALA SI TULFO - Ben Tulfo - Pilipino Star Ngayon

IBA`T IBANG uring reklamo at sumbong ang pinaaabot sa akin araw-araw sa aming BITAG Action Center. Mga simple`t totoong tao, nakapag-aral o salat sa kaalaman, maykaya, katamtaman at mahihirap. Ilan sa kanila, nanli­liit at pilit na itinatago ang kanilang pagkatao sa pag-­a-aka­lang sila`y mahuhusgahan at malalait.

Tulad nitong nakaraang Huwebes, itago na natin ang kanyang totoong pangalan. Si Janette, ibinulong sa akin na siya`y isang “babaeng mababa ang lipad”. Aniya, “isa po akong pokpok Sir na may anak na pinakakain. May ka-live in po ako, siya po ang nag-aalaga sa aking anak kapag ako`y nagpapagamit.”

Panggigipit at pananakot ng mga pulis sa kanyang ka live-in partner na babae rin. Sa kanyang kinikita tuwing siya`y ginagamit, suwerte na kapag siya`y nakaka-P800. Subalit kalimitan daw ay P500 lamang ang kaniyang kinikita sa dalawang kostumer na sa isang araw. Dalawang daang piso raw ay napupunta bilang butaw sa kolektor ng mga pulis na mino-monitor naman ng spotter.

Ang sumbong ni Janette, sapilitan daw sinakay sa mobile ang kanyang ka live-in partner na babae na tagabantay ng kanyang anak. Ang dahilan, nagdududa ang mga pulis na hindi raw iniintrega ang totoong kinikita ni Janette dahil hindi sila nagbibigay ng tamang butaw. Nagpapasaring daw ang mga pulis na ang kanyang ka-live in ay gumagamit daw ng droga, kung kaya hindi na nakakapag-intrega ng tamang butaw sa kolektor ng mga lespu. Ayon kay Janette, handa raw magpa-drug test ang kanyang ka live-in para mapatunayang hindi siya gumagamit.

Naaawa ako kay Janette sa sinabi niyang siya ang sumusuporta sa kanyang ka live-in partner na parang katulong sa buhay. Ilang beses niya na rin itong sinabihan na magtrabaho para makatulong sa kanya. Tanong ko kay Janette, kung totoong mahal siya ng kanyang ka live-in o ginagamit lang siya katulad ng paggamit sa kanya ng mga pulis. Matagal bago nakasagot si Janette na “ewan ko po Sir, siguro mahal ako”.

Kasama ni Janette ang kanyang ka live-in at paslit na anak sa aming tanggapan na pinalabas ko muna sa kuwarto bago ako mag-interview, para mapiga ko ang totoo. Lalo akong naawa kay Janette nung sinabi niyang handa na siyang iwanan ang pagiging pokpok at uuwi na lamang sa probinsiya para samahan ang magulang na nabubuhay sa pagsasaka.

Nang tinanong ko ang ka live-in sa harap ni Janette kung sasama ito sa Visayas para magbagong-buhay, sumagot ito na handa raw siyang mamasukan sa carinderia o bilang kasambahay, basta kasama niya si Janette. Sinabihan ko ang dalawa at binigyan ko ng babala: kapag inumpisahan kong panghimasukan at trabahuhin ang mga pulis na sangkot sa pangongotong sa mga pokpok na tulad, kinakailangang lumayo na sila at baka may mangyari pang hindi maganda. Ipinagtapat ko na hindi ganoon kadaling banggain at BITAGin ang kanilang mga inirereklamo, desidido talaga ang dalawa at ang sagot nila ay “Sir laban po”.

Binigyan ko sila ng isang linggo na pag-isipang maigi nang maikasa na ang BITAG sa mga pulis, kanilang mga kolektor at mga spotter. Inaasahan kong babalik ang dalawa ngayong linggo para ituloy ang laban. Sa mga ganitong klaseng problema, bukas ang aming tanggapan at hindi kami namimili. Kahit sino ka man, gaano man kalaki o kaliit ang iyong estado sa lipunan.

BITAG ACTION CENTER

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with